Kapamilya si Ryan pero, sa Kapuso network magbi-b-day at maglo-launch ng album!

Teary-eyed si Cristina Decena y Castillo, ang ex-girlfriend ni Phillip Salvador kahapon, Biyernes sa sala ni Judge Elizabeth Guray dahil ang hatol ng korte sa kasong estafa ni Ipe ay Guilty!

Isang taong mahigit ding tumakbo ang kasong inihain ni Cristina laban sa dating karelasyon at aminado ring ikamamatay niya kapag hindi niya naipanalo ang kaso laban kay Ipe.

"At least, napatunayan ko sa lahat na nagsasabi ako ng totoo kasi nung sampahan ko ng kaso si Phillip, marami na ang kumontra na hindi raw ito magpo-prosper kasi nga walang maniniwala dahil karelasyon ko nga siya. At least ngayon, alam na ng lahat ang katotohanan," pahayag ni Cristina.

Mula 4 1Ú2 to 20 years na pagkakakulong ang parusang iginawad ni Judge Guray kay Ipe at pinagbabayad pa siya ng $100,000 na siyang total amount na nakuha ng actor para sa Hongkong remittance business na itinayo nilang dalawa sa Hongkong na hindi naman natuloy dahil nagamit ng actor ang malaking halaga sa ibang bagay.

Samantala, umapela naman ang actor sa kaso at pwede naman siyang mag-bail para sa pansamantala niyang kalayaan.

Acquitted naman ang kuya Ramon Salvador ni Phillip na kasama rin sa kaso.
* * *
Naiba na ang leading men ni Judy Ann Santos sa Komiks story na Inday, Inday sa Balitaw and Super G dahil parehong busy sina Sam Milby at Zanjoe Marudo respectively.

Nasa Amerika pa rin si Sam for a series of shows kasama sina Piolo Pascual at Rica Peralejo, samantalang si Zanjoe naman ay naghahanda para sa launching ng programang Close Up to Fame season 2 (na ang concept ay mala-That’s Entertainment ni Kuya Germs) bilang isa sa host kasama sina Bianca Gonzales at Heart Evangelista na mag-uumpisa na next week kapalit ng ETK.

Si James Blanco ang pumalit kay Sam sa Inday, Inday sa Balitaw na ipalalabas na next week at wala pang napipili para naman sa Super G, pero dinig namin ay baka ibalik ang tambalan nila ni Ryan Agoncillo since ang role ni Juday ay magaling mag-motorsiklo na nagkataong ang boyfriend niya ang nagtuturo sa kanyang mag-motorsiklo.
* * *
And speaking of Ryan Agoncillo, ngayong Sabado ang album launching niya sa Eat Bulaga instead na sa ASAP 06 bukas, Linggo.

Hinarang ang nabanggit na launching ni Ryan dahil hindi na raw kayang ia-accommodate dahil kumpleto na ang segment at kapos pa sa oras, bukod dito ay hindi na rin natuloy ang Vicor Music celebration sa ASAP dahil pawang talents daw ng Universal Music ang performers.

Anyway naging very kind ang over-all chairman ng Eat Bulaga na si Ms Malou Choa-Fagar dahil winelcome niya ang isang ABS-CBN talent sa programa niya.

Mala-Joe ‘D Mango ang concept ng album ni Ryan na kinapapalooban ng mga awiting sumikat nina Sharon Cuneta, Basil Valdez, Martin Nievera, Gary Valenciano, Zsazsa Padilla, Raymond Lauchengco, Pops Fernandez, with special participation of Panjee Gonzalez & Rowell Santiago and a surprise guest.
* * *
Walang engrandeng debut party sa April 26 ang isa sa Star Magic talent na si Hazel Ann Mendoza dahil mas gusto niyang magbakasyon na lang sa Baguio City kasama ang kapatid at mommy niya.

Supposedly, sa Spain sana sila pupuntang mag-iina para dalawin na rin ang pamilya sa father side, pero may mga schedule siyang mabibitin kaya’t sa Baguio na lang ang destinasyon niya. — Reggee Bonoan

Show comments