Kasal ni Aiai, di na naman tuloy!

Ipinagtapat na ni Ms. Aiai delas Alas na hindi na muna matutuloy ang kasal nila ngayon ng non-showbiz boyfriend niya dahil sa mga naglabasang isyu.

Supposedly, ikakasal na raw sila, pero naloka raw ang boyfriend niya dahil bakit daw kumalat sa media ang tungkol sa kanila.

"Hindi naman nagalit, naloka lang kasi ayaw niyang nasusulat ang tungkol sa amin, gusto niya tahimik at seryosong relasyon, ayaw niyang nababasa sa mga dyaryo ang tungkol sa amin. Kaya hindi na muna matutuloy," mensahe sa amin ni Aiai.

As of now ay masaya silang magkasama ng non-showbiz boyfriend niya at umaasa ang komedyana na this time ay for keeps na ang lalaking nagpapasaya sa buhay niya ngayon.

Boto naman daw ang mga anak niya sa lalaking gusto niyang makasama sa habambuhay maski na sobrang bata nito sa kanya.

"Bata pero mature at tanggap niya ako at wala siyang pakialam sa nakaraan ko. "Yun nga lang, ayaw niya ng parang karnabal na relasyon, gusto niya ng tahimik na buhay," paliwanag sa amin ni Aiai.

Samantala, kwento naman ng staff ng Bituing Walang Ningning ay parating kasama ng komedyana ang boyfriend niya at matiyaga itong binabantayan siya at inaasikaso pa.
* * *
Aminado si Dennis Trillo na hindi challenging ang role niya sa Pamahiin kung ikukumpara sa Aishite Imasu at Blue Moon, pero gusto niya ang role dahil suspense ang latest flick ng Regal Entertainment.

"Gusto kong i-try ang lahat ng klase ng role, hindi yung pare-pareho lang, hindi yung kung ano ang uso, doon ako, gusto kong subukan ang iba pang role na hindi gaanong tinatanggap ng ibang artista ngayon," bungad ni Dennis nang makausap namin sa premiere night ng Pamahiin last Monday night.

Ang gustung-gustong gawin ni Dennis sa mga susunod na pelikula ay ang role ng isang macho dancer at willing siyang mag-frontal nudity kung kinakailangan.

"Kapag nakita kong worth it naman ang script at hindi bastos, willing akong gawin lahat. Siyempre kung artista ka, dapat alam mong gawin lahat at hindi ka dapat hesitant sa mga gagawin mo," paliwanag sa amin.

At ang pangarap niyang makasama sa movie ay ang nag-iisang Megastar na si Sharon Cuneta.

"Iba kasi kapag nakasama mo sa movie si Sharon, hindi ko naman hinangad na maging leading man niya, okey na ako basta makasama ko siya. Maski na anong role," sambit ng actor.

Isa pang gusto rin niyang makasama sa movie na sana raw ay huwag bigyan ng kulay ay ang long time crush niyang si Kristine Hermosa, kaso mukhang malabo dahil nasa Star Cinema ito.

At ang pinaka-sexy sa kanyang aktres inside and out ay, "Si Angel Locsin, iba ang dating ni Angel, sa pisikal man o hindi. Sobrang bait niya at kaya niyang dalhin ang sarili niya maski na ano lang ang suot niya," kangiting sabi ng leading man ni Angel sa Majika.
* * *
Kung hindi babaguhin ang plano ay bukas na ang promulgation ng kasong estafa na isinampa ni Cristina Decena y Castillo sa aktor na si Phillip Salvador at kuya nitong si Ramon Salvador. Hinihintay ng lahat ng taga-media ang magiging desisyon ni Judge Elizabeth Guray ng Las Piñas Regional Trial Court, kung mako-convict o ma-acquit ang dalawa.

Bago pa magbakasyon last week ay kaliwa’t kanan na ang tumatawag sa opisina ni Judge Guray para alamin kung totoong may umaayos daw sa kaso ni Ipe dahil may nag-leak sa mga taga-TV na mapapawalang sala raw ang dating karelasyon ni Ms. Decena.

Hindi naman nakontak ang kilalang hukom dahil nauna na raw itong magbakasyon at maging ang clerk niyang nakausap ng isang kasamahan sa hanapbuhay ay walang maibigay na official statement at sa pagkakaalam ng nabanggit na staff ni Judge Guray ay fair and square ang kanyang boss.

Sinubukan naman naming tawagan si Cristina na nasa resthouse nito sa Tagaytay City para kunan ng pahayag tungkol sa nakarating sa media na may umaayos sa kaso, "Naniniwala ako sa paninindigan at kakayahan ni Judge Guray siguro naman hindi siya padadala sa mga bulong," katwiran ni Tina. — Reggee Bonoan

Show comments