Nahihiya na bang sumigaw at magpakita ng takot ang mga Pinoy moviegoers?

Nanood ako ng premiere showing ng Pamahiin ng Regal Films na nagtatampok kina Dennis Trillo, Paolo Contis, Marian Rivera at Iya Villania. Nasorpresa ako dahil punung-puno ang Cinema 1 ng Megamall, talagang hindi na mapasusubalian ang kasikatan ni Dennis. Walang sikat na loveteam ang tampok sa pelikula ng isa ring baguhang direktor sa pelikula pero, naging interesado ang marami na panoorin ito at tingnan kung mayro’ng ibubuga ang isang Rahyan Carlos. Hindi naman sila, kami, nabigo.

Nakakatakot ang pelikula, ang nakapagtataka lamang bagaman at nakikitang napapaigtad ang mga manonood sa kanilang mga kinauupuan, parang nahihiya silang magpakita ng reaksyon, gaya ng pagsigaw, pagtili o anumang uri ng pag-iingay. Sabi ko, patunay yun ng pagkasosi ng mga kasalukuyang manonood, di na sila bakya at bagaman at hindi naman sila siyento-porsyentong sang-ayon ang mga kapatid sa panulat sa sinabi ko, wala silang maibigay na dahilan kung bakit tahimik ang reaksyon ng lahat. Lahat naman sila ay umaming natakot, including my daughter, Lian, na palihim ang pagsigaw.

Maganda ang twist ng istorya, hindi ito inaasahan ng lahat pero, maganda ang editing, ang texture ng pelikula at magaganda ang roles ng mga artista, pati na ang patay na si Paolo Contis. Gusto n’yong matakot, pwes, go kayo at panoorin ang Pamahiin.
* * *
Obviously, nag-enjoy ang cast ng Encantadia sa kanilang samahan kung kaya teary-eyed ang lahat, lalo na ang apat na Sang’gre, (Iza Calzado, Sunshine Dizon, Diana Zubiri at Karylle) sa nalalapit na pagtatapos nito sa GMA Network. Sinubaybayan ito ng halos isang taon.

Bago ito matapos, marami pa ring mga pagsubok ang darating sa limang Sang’gre at Haring Ybrahim (Dingdong Dantes).

Patuloy na maghahasik ng gulo ang Bathalumang Ether (Angel Aquino) sa tulong ni Hagorn (Pen Medina). Mas mapapadali ang kanilang masamang gawain sa pamamagitan ni Armea (Jackie Rice), ang nawawalang anak ng Haring Ybrahim at Reyna Alena (Karylle) ng Sapiro. Bihag ito sa Hathoria at ang kapalit ng kanyang kalayaan ay ang brilyante ng tubig ni Alena. At si Arman (Marky Cielo), tuluyan na kayang sumapi sa mga Etherian dahil alam na rin ng minamahal niyang si Haring Ybrahim ang kanyang tunay na katauhan? Ano ang idudulot ng malagim na kamatayan ni Ybrahim?

Sino kaya ang magwawagi sa muling paglalaban ng mag-amang Pirena (Sunshine Dizon) at Hagorn?

Matapos na kaya ang pag-iibigan nina Danaya (Diana Zubiri) at Aquil (Alfred Vargas) sapagkat di puwedeng umibig si Danaya sa hindi isang taga-Lireo?

Walang eksenang dapat palagpasin sa lalong tumitinding mga kaganapan sa nalalapit na pagwawakas ng telefantasya ng bayan, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Majika sa GMA Telebabad.
* * *
Mayro’n na namang isang masayang activity na magaganap sa Golden Sunset Resort and Spa sa Sabado, Abril 22, 5NH. Dadalhin dito ng Monster Radio RX 93.1 ang kanilang signature summer event na RX Summer Sunset Cookout na magtatampok ng isang swimming party, parlor games, outdoor barbecue at iba pang actiivities na siguradong magdaragdag sa kasiyahan ng buong pamilya at barkadahan. Tampok sa nasabing okasyon ang Parokya ni Edgar. (For inquiries and reservations, tumawag sa 6361687/6343109.
* * *
veronica@philstar.net.ph

Show comments