MTRCB, lalagyan ng myembrong malapit sa administrasyon?

Bulung-bulungan sa showbusiness ang tsismis na may mga members daw ng MTRCB na hanggang ngayon ay hindi pa rin maliwanag kung magpapatuloy sa kanilang tungkulin bilang members ng board pagkatapos ng kanilang termino sa Setyembre ng taong ito. Mayroon nga raw iba na dapat nang tumanggap ng appointment na bago, pero nananatili roon sa "hold over" capacity. Ibig sabihin, naroroon sila habang naghihintay ng kanilang panibagong appointment o ng kanilang kapalit.

Ang tsismis pa, ang mga members ng board na hindi pa nare-renew ang appointment ay ang mga kilalang peryodista sa board.

Tama kaya ang suspetsa ng iba na malamang gustong ilagay sa board ang mga members of the press namalapit sa administrasyon?

So far, sa aming nalalaman, ok naman ang mga peryodistang members ng board. Hindi mo naman naririnig na nakakasama sila sa ano mang anomalya. Hindi kagaya ng board noong araw na madalas mong marinig na tumatanggap ng mga mamahaling regalo mula sa mga producers ng pelikula. Mayroon pang hindi man tumanggap ng lagay, alam mo namang naiimpluwensiyahan ng mga tao. Ngayon, maganda naman ang performance ng board. Minsan inaakusahan sila ng sobrang paghihigpit, pero kung hindi ba nila ginagawa iyan ay mapipigil ang mga bastos na pelikula?

‘Yan ngang mahigpit na sila, may lumalabas pa ring mga bastos na digital movies. Kaso alam din naman natin ang "naiibang kuneksiyon" ng mga gumagawa ng mga bastos na digital movies na ‘yan kaya siguro nakakalusot.

Pero sana, liwanagin na sa mga tao kung mananatili ba sila sa board o papalitan na sila, para hindi naman ’yong ganoong para silang nakabitin sa balag ng alanganin.
* * *
Labing walong taon na pala ang ginagawang senakulo ng Tanghalang Santa Ana, na pinamumunuan ng aktor at direktor na si Lou Veloso. Sa taong ito, kagaya nang nakagawian na, may mga artistang sumasali sa nasabing senakulo.

Kasama ngayon sina Tommy Abuel, Ivy Violan, Jenine Desiderio, Bodjie Pascua, at ang stage actor na si Miguel Castro.Nag-iimbita nga pala si Fr. Dale Anthony Barretto Ko sa mga deboto ni Padre Pio na makiisa sa kanilang Stations of the Cross na gaganapin sa Miyerkules Santo sa ganap na ika-tatlo ng hapon. Gagawin nila ang Stations of the Cross kagaya ng ginagawa ni Padre Pionoong siya ay nabubuhay pa. Magsisimula iyon sa mismong simbahan ni Padre Pio sa Barangay San Pedro, Santo Tomas, Batangas. Kaya kung wala kayong gagawin sa Miyerkules Santo, doon na kayo magpunta. <

Show comments