Sa kabila na nasa pulitika ang pamilya ni Viktoria, ibang interes ang kanyang pinasukan, ang larangan ng musika gayundin ang kanyang dalawa pang mga kapatid na sina Rob at Joey na parehong award-winning directors. Sila ang nagdirek ng mga past music videos ni Viktoria na siyang naging dahilan kung bakit niya nakuha ang taguring MTV Queen.
Pagkaraan ng ilang taong pananahimik ni Viktoria, muli itong nagbabalik sa pamamagitan ng kanyang pinakabagong album sa ilalim ng Warner Music na pinamagatang "Here to Stay" na ang carrier single ay "Nalalasing" na si Viktoria din mismo ang nag-compose sa tulong ng kapatid niyang si Rob at ang music video naman ay magkatulong na dinirek nina Rob at Joey.
Lahat ng awiting nakapaloob sa "Here to Stay" album ni Viktoria ay siya lahat ang nag-compose at nag-produce. Kasama rin dito ang awiting kinompos niya para kay Ogie Alcasid, ang "Tanging Pag-ibig" ganoon din ang awiting nagtatampok kay Raymond Bagatsing, ang "Bagoong at Mangga".
Lingid sa marami, si Viktoria ay isa sa mga nagbigay ng karangalan sa Pilipinas nung nakaraang 23rd SEA Games kung saan siya nakakuha ng gold medal sa Muay Thai (Thai Kick Boxing) event. Bukod sa musika, very athletic din si Viktoria para mapanatili niyang fit at sexy ang kanyang katawan. Naniniwala kasi si Viktoria na obligasyon niyang mapanatiling in-shape parati ang kanyang katawan.
Ayon kay Viktoria, aksidente lang umano ang pagkakapasok niya sa Muay Thai. Nung nakaraang Agosto, kababalik lang niya noon galing Amerika at naisipan niyang bumalik sa gym bilang paghahanda sa paglabas ng kanyang bagong album at nagtungo siya ng ULTRA. Dito umano siya nakita ng coach na si Robert Valdez at sinabihan siyang may potential siya sa Muay Thai. Na-challenge umano siya kaya niya ito sinubukan. Pero sa kabila na pinasok na rin niya ang sports professionally, hindi ito nangangahulugan na tatalikuran na niya ang kanyang unang pag-ibig - ang musika.