Star Summer Challenge 2006 sa Subic

  Naging napakalaking tagumpay ang  naganap na selebrasyon ng ika-20 taong anibersaryo ng Pilipino Star Ngayon na ginanap sa Luzon-Visayas-Mindanao Ballrooms ng Westin Philippine Plaza nung nakaraang Biyernes (March 17) ng gabi na dinaluhan hindi lamang ng mga opisyales at empleyado ng number one tabloid ng bansa na pinangunahan ng pangulo na si G. Miguel G. Belmonte kundi ito’y dinaluhan din ng malalaking stars at performers ganundin ang mga advertisers. 

Sina Edu Manzano at Jeni Hernandez ang nagsilbing guest hosts habang ang mga performers naman ay pinangunahan nina Gary Valenciano, Ogie Alcasid, Vina Morales, Geneva Cruz, Rachel Alejandro at iba pa. 

Dumalo rin sa nasabing okasyon sina Kuya Germs (Moreno), Douglas Quijano at ang kanyang mga alagang sina Jomari Yllana, Anjo Yllana, Wendell Ramos, Jeremy Marquez at Andrew Wolfe.  Siyempre pa, ang butihing mayor ng Quezon City na si Mayor Sonny Belmonte.

 Sa totoo lang, napakasarap ng pakiramdam na mapabilang sa isang napakalaking kumpanya na marunong magpahalaga hindi lamang sa kanilang mga tauhan kundi pati na sa ibang mga tao na naging bahagi ng isa sa mga pangunahing babasahin ng bansa.

Hangad namin ang patuloy na tagumpay at lalo pang paglago ng PSN!
* * *
Ang actor-politician na si Jeorge Estregan (ER Ejercito) ang pinakabagong halal na pangulo ng Actors Guild of the Philippines, Inc., ang Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon. Bilang panimula, isa sa mga proyektong binubuo ngayon ng KAPPT ay isang malaking event na pinamagatang Star Summer Challenge 2006 na gaganapin sa darating na Mayo 26, 27 at 28 sa Subic, Zambales. 

Ayon sa batang Mayor ng Pagsanjan, Laguna, ito umano ang simula ng muling pagsasama-sama at pagkakaisa ng mga artista sa pelikula at telebisyon sa pamamagitan ng isang sports festival.  Hinihingi rin ni Mayor Ejercito ang tulong at suporta ng PAMI (Professional Artists Managers, Inc.) dahil ang lupon ng mga managers ang siyang may hawak ng malalaking artista.

Kung malaki ang nagawa ni Mayor Ejercito sa bayan ng Pagsanjan, umaasa kami na malaki rin ang kanyang magagawa sa KAPPT na tila watak-watak na rin at walang pagkakaisa.
* * *
Nag-voluntary exit sa Bahay ni Kuya si Rustom Padilla nung nakaraang Miyerkules ng gabi kaya na-suspend ang eviction night nung gabing ‘yon kung saan isa sa apat na nominees for eviction si Rustom na kinabibilangan din nina Budoy Marabiles,  Zanjoe Marudo at Bianca Gonzales.  Marami nga ang nanghinayang na hindi na hinintay pa ni Rustom ang dalawang huling eviction night (nung nakaraang Miyerkules at ngayong Sabado) dahil marami ang naniniwala na malamang na malusutan niya ito at pasok siya sa Top 4.  Dahil sa ginawang pag-voluntary exit ni Rustom, isa na lamang kina Budoy, Zanjoe at Bianca ang maaalis at siguradong pasok na sa Top 4 ang dalawang matitirang nominees.  Pasok na rin sa Top 4 sina John Prats at Keanna Reeves at marami rin ang supporters ng dalawa.

Ayon kay Rustom, kung sa loob ng tatlong taon ay hindi niya nahanap ang kanyang sarili at kaibigang hinahanap, nahanap niya ito sa loob ng Bahay ni Kuya at hindi umano niya itinuturing na siya’y talunan dahil sa kanyang maagang pag-exit.

Sa loob ng Bahay ni Kuya ay naging extra close si Rustom kina Keanna Reeves at John Prats at sana’y magpatuloy ito kahit sa labas ng Bahay ni Kuya.

Samantala, as early as now, marami ang naniniwala na si Keanna ang tatanghaling grand winner ng Pinoy Big Brother Celebrity Edition na gaganapin ngayong Abril 1 ng gabi.
* * *
Masalba kaya ng pelikulang D’ Lucky Ones ang career ng Korean young star na si Sandara Park?  Ang kasagutan ay malalaman simula sa Abril 15 na siyang simula ng palabas ng comeback movie ni Sandara.
* * *
a_amoyo@pimsi.net

Show comments