Pero yong mga mas may edad na kagaya namin, matatandaang bago magkaroon ng martial law ay mayroon ng Pilipino Star, na ang may-ari ay si Andrew Go na kapatid naman ng founder nang Ang Pilipino Star Ngayon na si Betty Go-Belmonte. Noong panahong yon, ang Pilipino Star ay isa rin sa mga nangungunang diyaryong Tagalog, pero itinigil nga nila dahil sa pagtanggi nilang ilabas ang diyaryo sa ilalim ng martial law.
Kaya nga nagpanibagong tatag ang Pilipino Star Ngayon, at unang nakilala bilang Ang Pilipino Ngayon simula noong 1986.
Simula noon hanggang ngayon, nananatiling hamon sa mga manunulat sa entertainment ng Pilipino Star Ngayon na ihatid ang mga pinakahuli at sariwang balita na may kaugnayan sa entertainment, at mga opinyong walang kinatatakutan sa masa. Kaya nga sinasabi nila na ang Pilipino Star Ngayon ay may pinakamalaking readership base kung entertainment ang pag-uusapan, at saka ito rin ang diyaryo na madalas na mai-quote ng mga announcer sa radyo at telebisyon. Minsan hindi man nila banggitin ang source nila, alam mo naman kung ano ang kanilang binabasa, dahil nabasa mo na nga sa umaga sa Pilipino Star Ngayon.
Sa iilang taon naming pagsusulat sa Pilipino Star Ngayon, napansin din namin na higit na marami ang nakakabasa sa aming column dito, kaysa sa alin mang sinusulatan namin. Nasasabi namin yan dahil higit na marami ang nagsasabing nababasa nila ang aming sinusulat sa diyaryong ito.
Hindi naman sa pagyayabang, iba talaga kung makakasama ka sa number one.