Champion swimmer din ang kampeon sa kantahan na si Nikki Bacolod

Finally, lumabas na ang pinakahihintay na album ni Nikki Bacolod, 1st runner up ng Search For A Star In A Million na kung saan ay nagwaging grand champion si Jerome Sala.

Ang album na isang CD Lite from Viva Records ay nagtatampok sa isang composition ni Vehnee Saturno bilang carrier single, ang "Tell Me You Love Me". Si Vehnee ang nag-compose ng "Forever’s Not Enough" at "How Could You Say You Love Me" mga hit songs ni Sarah Geronimo at "When You Find Your Voice" para kay Rachelle Ann Go.

"In full Bloom" ang titulo ng CD Lite na nagtatampok din sa mga awiting "Farewell" (Odette Quesada), "Only When I’m With You" ( Trina Belamide), "Stay Here With Me" (Peter Bertilsson, Randy Goodrum) at ang "You Got It All" ( Rupert Holmes), isang duet nila ni Raymond Manalo.

Habang hinihintay ni Nikki na matapos ang kanyang album at habang buong kainipang hinihintay din ng mga fans niya ang muling pagiging aktibo niya, nagawang mapabuti ni Nikki ang kanyang performance. Mas mature na siya ngayon at may tiwala na sa kanyang talento. At 16 years old, nagdalaga na rin siya, naka-make-up na siya ngayon at naka-bihis dalaga na. "Kung dati ay medyo satiff ako at kulang sa emosyon kapag kumakanta, hindi na ngayon," pagmamalaki niya.

At kahit na marami ang nagsasabi na parang nag-lay low siya, sinabi niyang pabalik-balik siya ng Maynila at Iloilo na kung saan ay host siya ng Little Big Star sa kanyang bayan.

Kahit ngayong madalas na siyang makita at marinig dahil ipo-promote niya ang album, she hopes na makapag-try out siya sa Abril para sa Asean Games.

Sa mga hindi nakakaalam, isang champion swimmer si Nikki simula pa nung nasa elementary siya. Kung hindi lamang sa trabaho niya ay baka nakasali siya sa nakaraang SEA Games. Nakapag-uwi na siya ng mga bronze at silver medal para sa 50M, 100M at 200m backstroke events. Siya ang humahawak ng records na 32.0 sec. sa 50m backstroke.

Sinabi niyang pinag-swimming siya ng kanyang mga magulang para magamot ang kanyang asthma.

Nakakatugtog din ng piano si Nikki pero hindi siya kasinggaling ng kanyang ate na isang piano vituoso at ng isa pang kapatid na babae na sumasali at nananalo sa mga piano competitions.
* * *
Nagtayo ng foundation ang Hair Asia sa pamumuno ni Evelyn Alvaran Cruz. Layunin nito na mabiyayaan ang mga kasamahan nila sa industriya ng hairdressing na naliligaw ng landas at maging yung wala nang mga trabaho at may edad na para magtrabaho.

Kasabay ng paglulunsad ng Hair Asia Foundation ay ang paglulunsad din ng Hair Asia’s 16th National Open Championship for Hair and Make-Up Competitions na magaganap sa Marso 21 sa World Trade Center.

Plano ring simulan na ang pagtatayo ng Bahay ni Ate sa Pila Laguna. Mula kay Evelyn ang lupang pagtatayuan ng Center na magsisilbi ring shelter at training facility para sa mga benipisyaryo ng foundation.

Tutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng free training at seminars at pagbibigay ng trabaho sa kani-kanilang salon at spa sina James Cooper, Jesi Mendez, Bambbi Fuentes, Pin Antonio, Patrick Rosas, David Charlton, Crispin Britanico at Arnell Ignacio kasama sina Lorna Tolentino at Marjorie Barretto. Nagbigay din ng commitment of support ang isang independent European organization dedicated to improving the standards of hairdressing in the UK, ang HABIA.
* * *
Maswerte naman ang GMA7 dahil nakakadiskubre sila ng mga babaeng nakakagiliwan ng mga manonood via their Asianovelas. Si Jang Geum, di pa nararating ang rurok ng kanyang popularidad dito sa atin sa seryeng Jewel in the Palace ay sinundan na agad ni Kim Sam Soon, sa serye na may kapareho ring titulo. Di bale na kung kakaunti (o baka wala) sa atin ang nakakaalam na si Jang Geum ay si Lee Young Ae at si Kim ay si Kim Sun AH, mga popular at kinikilalang artista sa Korea, ang mahalaga na-in love tayo sa mga character na ginagampanan nila.

Hindi mapasusubalian na nung magsimula ang Jewel in the Palace ay lumakas ang mga Korean Restaurant dito sa atin, maraming tao nang naging interesado sa pagkaing kim-chi na madalas lutuin sa Jewel.

Kung dati-rati ay giliw na giliw tayo sa mga love stories, di pa naman nababawasan ang pagka-addict natin sa mga nakakakilig na kwento ng pag-ibig na nilagyan ng ibang sangkap sa mga nobela ng GMA, sa Jewel ay naging background nito ang pagluluto. Cooking din ang background ng romansa nina Kim at Cyrus (Hyun Bin).

Ang Jewel in the Palace at My Name is Kim Sam Soon ay napapanood, Lunes hanggang Biyernes,sa GMA Telebabad.
* * *
Anniversary namin ngayon sa Pilipino Star Ngayon (PSN). Twenty years na kaming nagbibigay ng balita sa bayan. At bagaman at nung una ay sinasabi ng marami kong kasama sa hanapbuhay na dapat ay makisabay ako sa agos o takbo ng mga tabloid, na minsan ay naging bold, wala akong pagsisisi na di ko ito ginawa. Ngayon, more than ever, kumbinsido ako na in the long run, kakaunti ang may gusto ng bold, mas marami ang gusto ng wholesome. Nakasuot madre man ang mga babae sa pahina ng aking section, ang mas mahalaga ay balita, bago ba ito, imbento o totoo?

Salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik. Hindi madali ang aming trabaho pero masaya na kami kung nakakapagpasaya kami ng mambabasa at hindi nahuhuli sa mga isyu na umiikot sa mundo na aming ginagalawan, ang mundo ng showbiz.

Show comments