Mr. M., lilipat ng RPN9

Nag-umpisa sa blind items hanggang sa unti-unti nang pinangalanan sa ibang pahayagan ang pangalan ni Mr. Johnny Manahan na lilipat na sa RPN 9 na nabili na ni Mr. Manny Pangilinan at isa raw si Mr. M sa stockholders nito.

Kwento sa amin ng taga-Star Magic, "Malakas nga ang isyung ‘yan, hindi namamatay. Hindi naman nagbibigay pa ng statement si Mr. M, siguro wala naman kasing nagtatanong sa kanya. But there is a possibility nga, bakit hindi?"

Kung aalis si Mr. Manahan sa ABS-CBN, paano ang Star Magic, na hindi naman niya pupuwedeng bitbitin ang talents nito, except ang mga empleyado?

"Why not, e, kung hindi na ba masaya ‘yung ibang talents sa Dos, e, bakit hindi sila aalis, especially ‘yung mga walang projects, anong panghahawakan nila?" katwiran pa sa amin.

At isang very loyal naman kay Mr. M ang nakausap namin na oras daw na lumipat ang kanyang boss sa RPN 9 ay, "Sasama ako. Gusto ko siyang boss, okey siya, diretsong kausap, kung ayaw niya, he will tell you at kung gusto ka niya, sasabihin niya rin. Ganun ang tipo kong amo, ayaw ko ‘yung nakangiti kapag kaharap ka, tapos kapag nakatalikod ka, marami palang sinasabing hindi maganda."

At hinamon naming mag-name-names ang loyal staff ni Mr. M kung sinu-sino ang mga bossing ng Dos na hindi diretsong kausap?

"Ha, ha, ha ‘wa na, ikaw talaga gumagawa ka na naman ng isyu, marami sila at alam nila kung sinu-sino sila," natawang sabi sa amin.
* * *
May nagpadala ng mensahe sa amin na taga-Punchline at Laffline para uniform na mapapanood na ng regular sa kanila ang grupong Sexbomb simula bukas, Miyerkules (Punchline) at Huwebes (Laffline).

Ang sabi pa, "Bongga po ang launching namin sa kanila kasi matagal na silang gustong pag-showin sa amin, kaya lang hindi puwede noon kasi nasa Klownz sila, e, magkalaban po ang Klownz at Punchline. Please try to drop by para makita ninyo ang pagkakaiba."

At finally, sinagot na ni Joy Cancio ang aming tanong kung totoong hindi na sila babalik pa sa Eat Bulaga.

"Sa tingin mo ba makakabalik pa kami sa mga nangyayari, masyado nang malalim ang sugat. Pero mahal ko ang Eat Bulaga at maski na anong mangyari, hindi ko makakalimutan ang Eat Bulaga, sa kanila isinilang ang Sexbomb," paliwanag ni Joy.

Natutuwa rin ang kontrobersyal na manager dahil bukod pala sa Punchline at Laffline ay regular din ang dalawang Sexbomb singers na sina Danielle at Jovelle with Jacque Esteves tuwing Lunes at buong Sexbomb dancers tuwing Martes sa Mugen Bar and Restaurant sa Ortigas, Pasig City. – REGGEE BONOAN

Show comments