Wala pa akong isang taon sa trabahong ito ay inirekomenda ako ng yumaong tiyuhing si Oscar Miranda para maging publicist ng Solar Films na pag-aari ng malapit nitong kaibigang si Wilson Tieng. Natanggap naman ako at naging daan para maging PRO ng mga artista. One time lang ako nag-manage-si Rochelle Barrameda pero hindi na naulit pa. Mas masarap ang mag-PR na lang dahil menos sakit ng ulo.
May mga artista na pini-PR ko. Tatlong Angels, ika nga. Una si Angelika dela Cruz (o Angel) na matagal ko nang alaga. Naging memorable sa akin nang mag-taping ito sa Pagsanjan, Laguna noon kung saan pagkatapos nito ay tumuloy siya sa aming bahay sa Lucban ng madaling araw para doon muna matulog dahil babalik uli siya sa taping kinahapunan. May 25 boarders ang aking ina sa likod-bahay namin.
Nang magising si Angelika ay nananghalian na ito sa komedor. Nagkataong isang boarder ang nakasilip sa bintana namin at nakitang kumakain ang paboritong aktres kaya nagsuguran agad sila sa sala. Hindi namin namamalayan na puno na pala ng mga tao ang harapan ng bahay. Ang maganda lang kay Angelika ay mabait ito sa fans, nakikihalubilo sa mga tao at walang kaere-ere. Mga sampung taon din kaming nagkasama at itinuring nila akong kapamilya. Kaya close ako kay Jericho Rosales noon ay dahil din sa kanya na masugid niyang manliligaw hanggang naging karelasyon.
Ikalawang anghel sa buhay ko ay si Angel Locsin. Mabait din ito at malambing.
Hindi ko malilimutan ang pagiging maalalahanin nito nang minsang mag-birthday ako na nataon sa isang show. Nilalagnat ito kaya pagkatapos ng show (kung saan guest ito) ay didiretso na siya ng bahay para magpahinga. Nauna na ang padala niyang bouquet of roses dun sa venue ng aking birthday. Pero ayon sa driver nito nang mapadaan na sila sa Quezon Avenue ay biglang sinabi sa kanya ni Angel na gusto niyang pumunta sa birthday ko dahil nakakahiya daw dahil sa rami ng nagawa ko para sa kanya lalo na sa publisidad.
Ikatlong Angel sa buhay ko si Angelica Jones. Pinaka-kikay sa lahat si Angie (palayaw nito) at totoong tao sila ng mother niyang si Beth. Wala na sigurong tatalo kay Angie sa mga nakatutuwa nitong kwento (kasama ang pakawalang mga Ingles). Ang maganda sa kanya ay hindi ito pikon, kahit pinagtatawanan ang mga mali niya ay di ito nagagalit kaya good karma pa rin ito.