Pagbalik nila from New York, sina Jennylyn at Mark na uli!

Sunud-sunod ang events ng GMA Network kaya, ngarag-ngaragan ang mga tao ng network. Katatapos lang kahapon ng Kapuso Holiday Parade at StarStruck 3 Final Judgment kung saan pinili ang Ultimate Survivors at Sole Survivor.

Ngayon ang presscon ng Majika at kasabay nito ang promotion ng Moments of Love. Inaasikaso rin ng GMA Films ang press preview ng movie sa March 23 sa Cinema 5 ng Greenbelt Theater at ang premiere night sa Mar. 27 sa SM Megamall bago ang regular showing ng movie sa Mar. 29.

Aligaga rin ang Ch. 7 sa pagdating ng dalawang members ng cast ng Jewel In The Palace. Bibisita sa bansa si Lady Han (Yang Mi-Kyung) at ang batang gumanap na Jang Geum na si Jeung Eun-Cho (tama sana kami ng spelling). Darating sila gabi ng Mar. 22 at mananatili rito hanggang Mar. 24.

Kahit hindi na napapanood sa K-novela sina Lady Han at young Jang Geum, love pa rin sila ng Pinoy viewers. Inaasahan ng Ch. 7 at Korean Embassy na pupunta ang fans sa mall tour nila sa Market! Market (to be announced ang time and date). Maggi-guest din sila sa ilang shows ng istasyon kaya, tumutok sa Siete.
* * *
Tawa ang initial reaction ni Sunshine Dizon sa tanong namin kung hindi siya na-o-offend sa biro ni Keempee de Leon na pag nasa Bahay Mo Ba ‘To sila ay namamawis ang kanyang kilikili. Sa pagtawa ng actress, ibig sabihin, hindi siya nasasaktan.

"Oo nga binibiro ako pero, siya naman ang laging basa ang kilikili. Siya kaya ang tanungin mo," wika nito.

Kagagaling nina Sunshine, Iza Calzado, Patrick Garcia, Danica Sotto at iba pang kaibigan sa Boracay para dumalo sa kasal ng kanilang kaibigan. Kahapon sila bumalik at two days ding nakapagpahinga sina Sanggre Amihan (Iza) at Pirena (Sunshine).

Today, sabak uli sila sa taping ng Encantadia na ang alam nila’y ma-i-extend pero, hindi sila sure kung ilang weeks ang extension.

Sabi ni Sunshine, bibigyan siya ng soap ng Ch. 7 after Encantadia. Nami-miss nila ni Iza ang soap gaya ng Kung Mawawala Ka and hopefully, ganitong concept ang ibigay sa kanya.
* * *
Kundi sa last week ng March ay sa first week ng April aalis ang grupo nina Jennylyn Mercado at Mark Herras para mag-shoot ng seryeng I Love New York daw ang title. Sabi’y 28 days mananatili sa New York ang grupo at baka ma-extend pa depende sa itatakbo ng shooting.

Sana lang, tapos na ni Mark ang taping ng My Darling Mermaid episode nila ni Pauleen Luna para sa Season 10 ng Love to Love. Ang dinig namin, three times palang nakakapag-taping ang actor at sa Anilao sa Batangas pa ang taping dahil sirena ang role ng dalagita.

Samantala, matupad kaya ang binanggit ni Director Louie Ignacio na pagbalik nila from New York ay sina Mark at Jennylyn na uli. Kung paano ito mangyayari, bahala na si direk Louie roon.

Show comments