Ikatlong boyfriend ni Heart si Echo

Kasamang dumating ni Angeli Pangilinan-Valenciano ang bago niyang alagang si Heart Evangelista sa presscon ng Celebrity Bazaar for Leyte, isang fund-raising event na pinamumunuan ni Ruffa Gutierrez na ginanap sa Imperial Palace nung nakaraang Miyerkules ng gabi.  Si Heart ang pinakabagong miyembro ng lumalaking pamilya ng Manila Genesis na pinamumunuan ng misis ni Gary Valenciano.

Sa aming pakikipag-usap kay Heart, nilinaw nito na wala umanong kinalaman ang kanyang boyfriend na si Jericho Rosales sa kanyang paglipat ng management company dahil sarili umano niya itong desisyon pero hindi ito nagsalita kung ano ang dahilan ng kanyang pagkalas sa pamamahala ng Star Magic na pinamumunuan ni Mr. M. (Johnny Manahan).

Kung inamin na ni Jericho ang kanilang relasyon ni Heart, hindi na rin ito itinatago ng dalaga.  Ayon sa kanya, June nung nakaraang taon sila nagsimulang mag-date at naging mag-on naman sila nung September pero wala umanong ispesyal na araw.

Inamin din ng dalaga na si John Prats ang kanyang first boyfriend na sinundan ni John Lee na naging kasintahan umano niya sa loob ng dalawang taon.  Pangatlong boyfriend niya bale si Jericho.

Pinabulaanan ni Heart na sumama umano ang loob niya nang hindi siya ang mapili para gumanap sa papel ng misis ni Manny Pacquiao na si Jinky sa pelikula na pagbibidahan ni Jericho.  Naniniwala kasi siya na hindi para sa kanya ang nasabing proyekto.

Ngayong 21 na si Heart, siya na ang may hawak at nagma-manage ng perang kanyang kinikita.
* * *
Nagmistulang Santa Claus ang MMDA na pinamumunuan ni Chairman Bayani Fernando na siya ring over-all chairman ng MMFFP nung nakaraang Biyernes ng gabi sa Banquet Hall ng Wack Wack Golf & Country Club sa Mandaluyong City nang ito’y mamigay ng P11.6-M cash awards sa 10 film producers na naging kalahok sa 2005 Metro Manila Film Festival ganundin sa mga nanalo ng award sa iba’t ibang kategorya.  Ang bawat isa sa sampung producer ay tumanggap ng tig-P750,000 labas pa rito ang iba pang cash incentives sa mga pelikula, artista, director, technical people at iba pang  nakapag-uwi ng awards.

Bukod sa pamimigay ng cash awards, inihayag din ni Chairman Fernando na sa  Abril 30 na ang deadline ng pagsumite ng mga producers ng kani-kanyang screenplays na nagnanais sumali sa 2006 Metro Manila Film Festival para mabigyan sila ng sapat na panahon para mapaghandaan ng husto ang mga pelikulang nais nilang ilahok.

Samantala, gusto naming punahin ang isang male voice over announcer sa nasabing okasyon na tila binastos niya ang ating Philippine National Anthem nang magsalita ito ng ganito:  "Tumayo ang lahat para sa ating Pambansang Awit.  Ilagay ang inyong kanang kamay sa dibdib ng inyong katabi, este ng inyong dibdib." Apparently, gusto niyang magpatawa na hindi naman nakakatuwa ang kanyang ginawa kung sino man siya.  Para sa amin, tahasang pambabastos sa ating Pambansang Awit ang kanyang ginawa.

Napansin din namin na kakaunti lamang sa mga Metro Manila Mayors ganundin ang mga stars ng pelikulang kalahok nung nakaraang Metro Manila Film Festival ang dumalo sa nasabing okasyon.  Kahit ang mga cash recipients ay hindi rin kumpleto at tila inisnab nila ang pa-thanksgiving party ng  MMFFP.
* * *
e-MAIL: a_amoyo@pimsi.net

Show comments