Baguhin man ang format ng show na iyan, ano pa ang maiiba? Papalitan lang siguro nila ang tawag sa mga portions pero ganoon pa rin, game show na magbibigay ng malaking premyo. Dahil kung hindi naman sila magbibigay ng milyon, sino ba naman ang manonood diyan kay Willie Revillame? Kaya pinanonood yan dahil nagbabaka-sakali nga ang mga tao na manalo sila kahit papaano.
Kung ganoon din ang labas niyan, aywan pero naroroon pa rin iyong eerie feeling kung manonood ka, dahil naging sanhi iyan ng kamatayan ng mahigit na pitumpung tao, at hindi basta kamatayan yon dahil napakalagim na kamatayan iyong natapakan sila ng mga kapwa nila tao, at namatay nang nadarama ang matinding sakit.
Napakasakit din noong maraming mga tao ang nagpunta sa kanila sa pag-asang baka sakaling maka-angat sila kahit na papaano sa kahirapan ng buhay, pero sa halip ang inabot nila ay kamatayan.
Hindi maiaalis na patuloy na maalala yan hindi lamang ng mga namatayan at nasaktan kung di maging ng mga kababayan nating nakapanood sa tv o nakakita ng kalunus-lunos na larawan ng mga patay na nakahambalang sa gitna ng kalye matapos ang malagim na Wowowee stampede. Hanggang hindi nare-resolba ang kasong iyan, at marahil kahit na bumilang ng mga ilang taon pa, patuloy na madarama ng mga tao ang horror ng mga pangyayaring iyon.
Sino ang manonood diyan kung ibabalik pa nila ngayon?