Wowowee, balik sa Marso 11!

Dahil na rin sa pakiusap ng marami na walang humpay ang tawag sa telepono sa mga namumuno ng ABS CBN 2, muling ibabalik sa ere ang programang Wowowee simula sa Marso 11. Pero, bago ito, simula sa Marso 6 hanggang sa regular na pagpapalabas ng Wowowee, mapapanood, pagkatapos ng Pilipinas Game Ka Na Ba? hosted by Kris Aquino, ang isang drama-docu, na pinamagatang Pangarap at Tagumpay, mga kwento sa likod ng programa at ng mga tao na nagpupunta sa show.

Tulad ng security guard na si Edwin Sumampong. Nangungupahan lamang sila ng kanyang kagampang asawa sa isang maliit na kwarto at sa paghahangad niyang umunlad ang kanyang buhay, nagsumikap siyang makapaglaro sa "Pera o Bayong". (Gagampanan siya ni Paolo Contis).

Tindero ng basahan si John Paul Caronan na napiling maglaro sa "Willie of Fortune" na kung saan ay nakita ang butas niyang tsinelas. Hindi siya nanalo pero ang kwento niya ay pumukaw sa puso ng marami. (Si Jiro Manio ang gaganap sa kanyang role).

Si Eula Valdez naman ang gaganap sa role ni Belen Avila, isang serbidora sa isang canteen na napilitan maghanap ng ibang trabaho. Napadpad siya sa ABS CBN, pumila sa "Pera o Bayong" at nakapag-uwi ng P1M.

Labing isa ang anak ni Rosalinda Marcos na ang bunso ay 1 taong gulang lamang na iniwan niya ng Davao para mamasukan bilang katulong sa Maynila. Naisipan niyang sumali sa "Pera o Bayong" at nanalo ng P1M. (Starring si Amy Austria).

Nakatakdang ikasal si Arjay Calara kay Jacqueline Recasa. May maliit itong ipon mula sa pagtatraysikel pero, di ito sapat para sa kanilang mga plano. Sumali siya sa "Willie of Fortune" pero nagpatalo siya sa isang bulag at mas nangangailangan. Napanood ito ng isang TFC subscriber at inangkin nito ang gastos sa kanyang kasal.(Si Vhong Navarro si Arjay).

Di ba inspiring? Kaya marami ang ayaw pumayag na di makapagpatuloy ng pagbibigay ng pag-asa sa marami ang Wowowee. Kung bawat araw ay mayro’n isang gaganda ang buhay, bakit nga hindi ito ipagpatuloy? Bukod pa ito sa saya na inihahatid ng programa.

Ayon sa abogado ng programa na nakausap ko, wala naman itong legal implication. Ang intensyon lamang ay para makatulong.

Kung si Willie Revillame naman ang tatanungin na mari-retain sa programa bilang host, ganundin ang buong staff at production crew, ang babaguhin lamang ay ang set, pagagandahin ito, ayaw na sana niyang mag-host ng programa dahilan sa mga naging kaganapan pero, si Ms. Charo Santos ang kumumbinsi sa kanya na ipagpatuloy niya ang kanyang magandang pagho-host ng show.
* * *
Sayang naman at ang kaisa-isang Fil-Am na nakasali sa American Idol, si Jose "Sway" Penala. Walong babae na lamang at walong lalaki ang natitira para makapasok sa Final 12.

Napanood ko ang peformance ni Sway at ang akala ko na okay na pagkanta niya ay inokray ng tatlong judges na sina Randy Jackson, Paula Abdul at Simon Cowell. Hindi sila nagalingan sa peformance niya bagaman at talagang maganda ang timbre ng boses niya.

In fairness, magagaling ang batch ng AI5. Panoorin n’yo at tingnan kung pareho tayo ng opinyon. Palabas ito sa ABC 5, Miyerkules, Huwebes at Biyernes, 10NG, ABC 5.
* * *
Maraming fans ni Ely Buendia na dating Eraserheads at ngayo’y frontman ng Pupil ang matutuwa na makitang visible na naman ito kasama ang kanyang grupo - Doc Sergio (bass), Yan Yuzon (percussion), Bogs Hugo (guitar) sa music scene, lalo’t lumabas na ang album nilang "Beautiful Machines" na nagtatampok ng all-original compositions na ginawa nilang apat na myembro ng grupo ("Gamu-Gamo", "Dulo ng Dila", "Mary", "Nasaan Ka", "Dianetic", "Kalawakan", "Lost Guide", "Hypersober", "Blow Your House Down", "She Talks to Trees", " Different Woods" at "All The Time").

Mapapanood na naman sila suot-suot ang kanilang authentic Pony footwear ngayong Mar. 4, Robinson’s Imus at Mar. 17, Robinson’s Place Manila.

Show comments