Sundan ang ehemplo ni Jennylyn

Nagulat kami sa panawagan ni Jennylyn Mercado para sa tulong at panalangin sa mga biktima ng landslide sa St. Bernard, Southern Leyte. Sinasabi ng aktres na siya ay tagaroon din sa St. Bernard. Iyon pala, ang kanyang kinikilalang ina-inahan ang siyang tagaroon at ilang ulit din naman siyang napunta sa lugar na iyon, hindi nga lang doon mismo sa lumubog na barangay.

Wala naman daw kaanak sina Jennylyn na nakasama sa trahedya sa Leyte.

Pero nakakatuwa ang ganyang mga artista na concerned sa nangyayari sa kanilang mga kababayan. Hindi naman dahil taga-Leyte lamang ang kanyang ina-inahan kaya dapat niyang gawin ang ganoon. Palagay namin sa pagkakataong ito, kahit na sino talaga dapat ay tumulong.

Kung ‘yon ngang mga nasa ibang bansa tumutulong, tayo pa bang mga Pilipino mismo ang hindi tutulong sa ating mga kababayang naging biktima ng landslide? Kahit na nga ‘yong Channel 2 eh, may panawagan na sila sa tulong sa mga biktima ng landslide kahit wala pa silang solusyon sa naunang trahedya na nagsimula sa kanilang show mismo, ‘yong Wowowee.

Sa ngayon siguro, wala ngang masyadong maaasahang tulong mula sa industriya at sa mga artista dahil maraming mga artista na ang walang kita. Huwag kayong maniniwala sa kasinungalingan ng iba na milyun-milyon ang kinikita ng kanilang pelikula sa loob lang ng ilang araw. Hindi totoo ‘yon. Payabang lang nila iyon para masabing malakas sila, pero ang industriya ng pelikula ay nasa krisis pa rin naman hanggang ngayon. Pero sana nga, sumunod naman ang iba sa example ni Jennylyn na nagkakampanya para sa tulong sa mga nasawi sa Leyte.
* * *
Sa March 12, Linggo, 5NH gaganapin ang ground breaking ceremonies sa itinatayong National Shrine ni Santo Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas. Pangungunahan ito ni Arsobispo ng Lipa, Most Reverend Ramon Arguelles DD. Kasama rin ang rector ng shrine na si Fr. Dale Anthony Barretto Ko, at si Fr. Troy delos Santos na minister provincial ng mga Capuchins sa Pilipinas.

Show comments