BOYET, walang pagkaubos ang talino!

Ang galing naman ni Christopher de Leon! Parang walang pagkaubos ang kanyang talino. Hindi naman siya nawawalan ng mga assignments sa pelikula o TV, maski na sa panahong ito na talagang matumal ang pelikula, pero, heto siya at sumasabak sa ibang larangan, I’m sure di para magkapera, kundi para maipakita pa ang marami niyang talino na di pa nai-explore.

Katulad ng pagkanta. Gumawa siya ng album sa Viva Records na ang laman ay pawang mga kanta sa mga pelikulang nilabasan niya. Tulad ng "Bituing Walang Ningning" na mula sa movie nila ni Sharon Cuneta. Ito ang first single na mula sa album. Meron din silang duet ng Megastar na galing din sa nasabing movie, ang "Sana’y Maghintay Ang Walang Hanggan."

May duet din sila ni Regine Velasquez, kapareha niya sa Wanted Perfect Mother na kung saan ay kinuha ang awiting "You Are My Song", isang Louie Ocampo composition na nilagyan ng lyrics ni Martin Nievera.

Ang iba pang nasa album ay ang "Sisikat Din Ako" ni Jim Paredes mula sa Kakabakabakaba?, "Iduyan Mo", Ryan Cayabyab/Åguila, "Umaga Na Naman", "Tuwing Umaga" (Kung Mangarap Ka’t Magising), "Hanggang" (Dekada) at marami pang iba.

Abala si Boyet ngayon sa promo ng kanyang album na pinamagatang "Mga Awit Pelikula ni Christopher de Leon". Nasa SM Sucat, Bldg. B siya sa Peb. 25, SM Bicutan, Peb. 26 at SM San Lazaro, Marso 5.

Kasabay ng promo ng album ay ang pagpu-promote rin niya ng kanyang pelikulang Nasaan si Francis? na kung saan ay isang kakaibang role ang ginagampanan niya.
* * *
May bagong digital film ang Digital Viva tungkol sa tatlong college students na nag-experiment sa isang sex video. Di nila expected na mahuhuli sila sa isang emotional roller-coaster ride. Tampok sina Jennifer Lee, Avi Siwa at Ryan Eigenmann, mula sa script nina Benedict Mique at Robert Quebral at dinirek din ng huli.

Pinamagatang Co-ed Scandal, mapapanood na ito sa mga sinehan sa Marso 8.
* * *
Totoo nang Kapuso si Jean Garcia na pinaglaruan ng tropang Nuts Entertainment nung Miyerkules ng gabi (Joey, Anjo, Janno, Gelli, Carmina, Sherwin, Brad, Pekto, John at Richard). Di naman napikon si Jean sa mga biro sa kanya, nabaliw lamang sa mga nakakagulat nilang mga tanungan blues sa segment na "Balakubak (Balita at Kwentong Bakla)".
* * *
Nakikiramay kami sa mga naulila ng singer/actress na si Elizabeth Ledesma na namatay sa sakit na cancer of the uterus nung Peb. 16. Si Elizabeth ay naging grand champion sa Tawag ng Tanghalan nung 1968 at nakasama sa programa sa radyo na Operetang Putul-Putol with Nora Aunor, Edgar Mortiz, Jay Ilagan, Esperanza Fabon, Joe Alvarez, Danilo Jurado, Danny Taguiam, Richard Merck at Perla Adea. Napanood din siya sa TV, sa mga programang Stop, Look & Listen, Superstar, An Evening with Pilita, naging recording artist ng Vicor at inawit ang composition ni George Canseco.

Inilibing si Elizabeth nung Peb. 22, 9NU.
* * *
veronica@philstar. net.ph

Show comments