GMAPinoyTV ‘di napapanood ng buo sa Amerika

Kailan kaya maiisipan ng isang brand ng t-shirt na ibaba ang malaking billboard ni Mr. Willie Revillame sa may area ng Quiapo na may nakasulat na Wowowillie? Hindi lang kasi pala ako ang nakakapansin na tuwing dadaan ka sa lugar na ‘yun at makikita mong nakangiti si Mr. Revillame, sasama ang loob mo dahil maalala mo ang trahedyang nangyari kamakailan sa ULTRA dahil sa kanyang programa.

Tuwing maalala mo kasi ang Wowowee para bang naging cause pa ‘yun ng pagkamatay ng ilan nating kababayan although wala naman talagang may gusto sa nangyari.

‘Yung isa ko ngang officemate, apat na kasama niya sa Aerobics class ang namatay sa nasabing madugong stampede sa ULTRA. Buti na lang at napigilan niya (my officemate) na sumama ang kanyang mother-in-law sa madugong araw na ‘yun, kung hindi baka nadamay pa raw.

Anyway, siguro nga hangga’t naririnig at nakikita natin ang salita o programang Wowowee, mahihirapang maka-recover emotionally ang pamilya ng mga naging biktima kahit na nga mas malaking trahedya ang nangyari sa Leyte na kailangan nating tulungan.
* * *
Mabuti naman at natapos na ang bangayan nina Optical Media Board Chairman Edu Manzano and Film Academy of the Philippines Director General Leo Martinez. Totoo, marami na sanang gustong maki-ride sa issue.

Like may natanggap akong forwarded message na supposedly ay galing kay Mr. Manny Morfe. Ang text: Ang kapal at bastos ni Edu. We demand an apology from Edu to Mr. Leo immediately or we will make every effort and destroy Edu. We will expose his lies. We know him and what he does. We work with Edu and Mr. Leo. Edu be careful. Mr. Leo is honorable. Please pass until it reaches Edu and Mr. Leo. So they may know who we are. We shall not stop here. MANNY MORFE.

Question: Ano po bang purpose ni Mr. Morfe at kailangan ng ganitong text brigade?

Ganito po ba dapat sino-solve ang isang problema? Hindi po ba dapat sa maayos na usapan?

Actually, hindi ko pa na-print ang buong forwarded message na natanggap ko kasi parang below the belt na ang paninira.

Anyway, gano’n yata talaga sa showbiz. Personalan.

Buti na lang at nagkausap na sina Edu at Leo nang ipatawag sila ng presidente sa Malacañang. At least, nalinawan nila na nagkaroon sila ng miscommunication kaya lumaki ang issue.

Ito naman talaga ang dapat mangyari. Iisa ang industriyang dapat nilang tinutulungan.

Tama na ang bangayan at huwag na sanang makigulo ang ibang tao at ‘wag nang mandamay ng iba pa like Mr. Vic del Rosario, presidential consultant on entertainment na ginagawan pa nga ng malaking issue instead na maki-cooperate sa mga project nito sa industriya.
* * *
May kilig factor talaga sina Judy Ann Santos and Ryan Agoncillo. Napanood ko sa Persona (Cinema One) ang interview sa couple ni Desiree del Valle na Valentine episode nila. Sobrang nakakatuwa ‘yung dalawa. Super sweet sila na habang ini-interview ni Desiree ay magka-holding hands at minsan ay nakaakbay si Ryan kay Juday.

Looks like pareho silang super in love with each other and finally found ang isa’t isa para maging lifetime partner.

Actually, sabi nga ng isang taong malapit sa dalawa, kung si Ryan lang ang tatanungin, gusto nitong magpakasal na sila ni Juday dahil ayaw na raw nitong nakikitang may ibang ka-partner si Juday on screen. Pero pag tinanong mo naman tungkol dito si Ryan, ayaw naman daw umamin.

Ngayon din lang daw na-in love si Ryan ng ganoon ka-grabe ayon na rin sa mga kaibigan nila. At ngayon lang daw nakitang gano’n kasaya pareho ang dalawa.

Anyway, basta kung ‘yung interview nila sa Persona ang magiging basis, perfect match sila.
* * *
Speaking of Persona, in fairness marunong mag-interview si Desiree. Puwede siguro siyang maging talk show host. Magaling siyang magsalita at spontaneous ang kanyang mga questions. Hindi na kailangang maghagilap ng mga questions. Kung siguro mabibigyan ng break si Desiree as host, malamang mag-excel din siya. Sayang naman kasi ang potential niya.
* * *
From My Inbox
Ms. Salve,


Good day po sa inyo and sa lahat ng inyong tagasubaybay!  Kaya po ako nag-email sa inyo kasi gusto ko lang po sanang magtanong ng mga ilang bagay tungkol sa mga programa na ipinapalabas ng gmapinoytv.

 Una po sa lahat nais ko pong ipabatid sa pamunuan ng GMA7 ang aming taos pusong pasasalamat sa pagbibigay nila sa amin ng kasiyahan na mapanood ang ilan sa kanilang programa saan man kami naroroon. Masaya po ako na nagkaroon na rin ng GMA7 dito sa America dahil talaga naman pong loyal na kapuso ako kahit noon pa na ako ay nandiyan pa lamang sa Pilipinas.

Nag-subscribe po kami sa DirectTV para makakuha kami ng gmapinoytv.  Kaya lang nakakalungkot din dahil ang pakiramdam po namin ay hindi nasusulit.  Kasi lahat ng programa ng GMA7 na ipinapalabas dito ay putol. Katulad na lamang ng sinusubaybayan naming Eat Bulaga, 40 minutes lamang sila kalimitan.  Maging ang Bubble Gang ay ganundin.  Mas masaya po sana kung napapanood namin ito ng buong-buo kung paanong buo rin napapanood ng Pilipinas.

Maski po ang 24 Oras ay putol din.  Talaga po bang lahat ng programa ng GMA7 ay putol pagdating dito sa amin? Kaya kami kumuha nito ay hangad namin na kahit paano ay mapalapit kami sa Pilipinas.  Kung minsan po kasi dahil sa ganitong sistema ay nakakatamad na pong manood.

Kahit na po sana may mga patalastas okey lang basta buo rin po sana namin mapapanood yung mga programa ng GMA 7.  Sana po matulungan po ninyo ako na maipaabot sa kinauukulan ang aming katanungan at hinaing na rin po.

Maraming maraming salamat po sa tulong ninyo!  God bless po palagi!

 Sincerely,

Alice
* * *
Salve V. Asis’ e-mail - salve@philstar.net.ph

Show comments