Reaksyon ng OMB Chairman sa FAP!

Nakapagtataka ba kung mag-react si Edu Manzano, kasalukuyang Chairman ng Optical Media Board (OMB) dahil tinawag silang "onlookers" ni Leo Martinez, director general ng Film Academy of the Philippines (FAP), sa isang write-up na lumabas na kung saan ay hindi kumporme ang FAP na kinakatawan ni Martinez sa ginawang pagbabago ng Malacañang sa alokasyon at distribusyon ng kita ng Metro Manila Film Festival (MMFF)?Dati kasi ay hindi kasali ang OMB at Film Dev’t Council of the Philippines (FDCP) sa hatian.

"Hindi naman namin yun hiningi," panimula ni Edu, at hindi bale sana kung totoong onlooker lamang kami gaya nang sinasabi nila. Pero, sa totoo lamang ay nagtatrabaho kami. Katunayan, mga 27 araw na walang lumabas na pirated copies ng mga pelikulang kasali sa MMFF.

"Nung Disyembre, nakagawa ng opisina ko ng 10 raid at tatlong search warrant operations sa Quiapo, Good Earth Plaza at Metrowalk. Meron din sa isang VCD burning center sa Cebu, isang printing press sa Tondo na nahuli sa aktong nag-iimprenta ng VCD labels para sa MMFF entries.

"Anim na katao ang inaresto kasama na ang may-ari ng imprenta, ang operator ng VCD burning center sa Cebu at 2 pirata na nahuling nagbi-video tape ng mga screenings ng MMFF entries. Kinasuhan silang lahat ng violation of the OMB copyright & pornography laws."

Ayon din kay chairman Manzano, "Habang naghahanda ang lahat sa pagsalubong sa Bagong Taon, gumagawa ng raid ang OMB kasama ang PNP nung Dis. 30 at 31. Onlookers will not go to such lengths," dagdag pa niya.

Samantala, ipinagdaramdam ng FAP ang pangyayaring nabawasan ang alokasyon para sa kanila mula sa kita ng MMFF. Mula sa 30% ay 10% na lamang ang tatanggapin nila. Ganundin din ang Motion Picture Anti-Piracy Council. Ang di lamang nagbago ay ang 30% na tinatanggap ng Mowelfund at ang 10% President’s Social Fund (for projects benifitting the movie industry). Ang OMB at FDCP ay parehong hahatian ng 20%.
* * *
Samantala, masaya naman ang FDCP na nagsimulang pamunuan ni Jacky Atienza nung Set. 22, 2005. Bago ito ay naging acting chairman siya ng Cinema Evaluation Board (CEB), Vice Chairman ng Viva Ent. Inc.at pangulo ng Bancom Audiovision Corp. Siya ang nagprodyus ng kauna-unahang pelikulang Pinoy na sumali sa Cannes, ang Jaguar.

Sa Marso ay naimbita ang Pilipinas through FDCP para sa isang Film and TV Market na magaganap sa Hongkong. Isang malaking pagkakataon ito para ang ating mga pelikula ay mapanood sa labas ng bansa. Nagbigay na ng kanilang intensyon na sumali ang Star Cinema, Regal Films, Seiko Films at Unitel Films. Inaasahan ni G. Atienza na hahaba pa ang listahan ng mga gustong sumali.

Ang pagkakatatag ng FDCP at ang CEB na pinamumunuan naman ng 39 taong gulang na pangalawang pangulo rin ng kanilang family owned Miladay Jewels na si Cristine Dayrit ay isang paraan ng pamahalaan para matulungan ang industriya ng pelikula. May masters in Film Production si Bb. Dayrit mula sa Boston Univ at nakapag-prodyus na ng mahigit sa 51 telemovies na dinirek ng mga magagaling nating direktor.

Ang CEB ay nagbibigay ng grado sa bawat pelikulang gawin dito sa atin. Ang lahat na mabibigyan nila ng "A" o "B" ay binibiyayaan ng incentive equivalent. Ang "A" ay tax free samantalang ang 60% tax ng mga nabibigyan ng grade "B" ay natatanggal. Isa lamang ito sa mga paraan para ang mga producer natin ay gumawa ng mga pelikulang may mataas na kalidad.

Show comments