Unang umupo si Robin sa lower box kayat nagkagulo ang mga tao at panay ang pa-picture, marahil ayaw maka-istorbo habang kumakanta si Megastar ay lumipat naman ito sa upper box b at doon naman siya sinundan ng fans.
Nalaman ni Shawie na naroon si Binoe kayat in-acknowledge naman siya habang kumakaway ang action star sa tuktok.
Pinasundo si Robin sa mga guwardiya at maya-maya ay lumabas na ito ng stage habang kumakanta naman si Sharon ng "Hari Ng Sablay" na bumagay kay Binoe dahil sablay talaga siya sa ginawa niyang iyon.
Hanggang sa umupo na ang aktor sa bandang gilid ay may mga nagpapa-picture pa rin sa kanya, bagay na nakakatawag pansin sa mga nanonood.
Ano ba ang gustong patunayan ni Binoe at nagpapansin siya, gusto ba niyang malaman kung natatandaan pa rin siya ng tao dahil wala na siyang karir?
Anyway, nagtagumpay siya dahil napansin nga siya ng lahat.
Ang paliwanag sa amin ng taga-Dos, "Si Claudine lang naman ang malaking artista namin na posibleng lumipat sa GMA kasi wala na siyang kontrata sa amin, matagal na. Alangan namang lumipat yung mga naka-kontrata pa sa amin, e, di nademanda sila?
"Gusto ko lang linawin na hindi siya napapabayaan sa Dos, kasi kung napapabayaan siya, di sana wala na siyang malalaking projects? Di sana, wala na siyang ginagawang movie ngayon?
"Hindi naman siya pinipigilang lumipat kung gusto niya, dahil anytime she can transfer to any station, wala siyang kontrata, hindi lang maganda yung sinasabing pinabayaan namin siya, si Claudine pa, pababayaan namin, e, di nagwala yan," paliwanag sa amin.
Ang alam din namin ay matagal na talagang walang kontrata ang future wife ni Raymart Santiago sa Dos at Star Magic dahil gusto niya na siya na ang mag-manage ng karir niya at lalabas lang na agent ang nabanggit na network kapag may offers siya.
Sa totoo lang, maraming beses na naming napanood mag-concert sina Songbird at Ogie, may mga nagustuhan kami at hindi. Pero sa Fanta Concierto na ang concept, e, fantaserye kuno, sa totoo lang, hindi namin nagustuhan ang ibang repertoire na buong akala namin ay kami lang ang hindi nagkagusto, marami pala kami dahil unang-una, boring ang mga eksena at spiels (hindi akma sa kanta).
Hinanap ng mga nanood ang dating Regine na nagpapatawa sa entablado, ang ino-okray ang sarili at guests at kung anu-ano pa. Hindi nila feel ang pagiging seryoso ni Songbird sa show, nagpaka-sossy kasi, pati areglo ng mga kanta, iniba.
Nag-enjoy ang lahat nung kumanta ng rock si Ogie, lalo na nung pumasok na si Aiai, plus Rico J na sa tingin namin ay hindi lang sila guest dahil sila ang bumuhay sa show.
Ang mga nanood, hindi naubusan ng tawa habang nasa stage ang dalawang komedyanteng singer na malaswa, samantalang kapag solo na ni Regine ay nagpupuntahan na ang mga tao sa comfort room at yung iba ay naninigarilyo pa.
Pero ang My Mega Concert ni Shawie, nag-enjoy ang lahat ng nanood, at gustung-gusto nila ang repertoire ni Mega na maski mga luma na, ito pa rin ang gustong marinig ng mga tao, relaxing pa rin.
Remember, pang-lovers ang mga concert kapag Pebrero kayat ang hinahanap ng mga tao ay yung mga awiting naging bahagi ng buhay pag-ibig nila at hindi yung mga lumang kanta nga, binabago naman ang tunog.
At mukhang hindi na sinunod ni Sharon ang script niya dahil pawang adlib at wala siyang pakialam na nilalait niya ang sarili at kesehodang suminga at suminghot siya sa harapan ng mga tao sa Big Dome.
Yun ang nagustuhan ng tao, ang pagiging natural ni Sharon, masasabing siya mismo ang nagdala ng show niya at hindi ang guests na sina Christopher de Leon, Christian Bautista at Kuh Ledesma.
Bitin ang lahat sa My Mega Valentine at humihingi pa ng repeat ang mga hindi nakapanood at nakapanood na.
At take note, pawang mga taga-GMA 7 ang nakita naming nanood ng show ni Mega at mga naka-upo pa sa harapan, huh? REGGEE BONOAN