Manny, nakikipag-compete kay Aga sa rami ng commercial

Sina Jomari Yllana at Gloria Mara ang mga ispesyal na panauhin sa nakakatuwang Valentine presentation ng Bahay Mo Ba ‘To ngayong Martes ng gabi.  Gaganap sa papel na John Regalo si Jomari  at nanay naman niya rito si Gloria Mara.
* * *
Maraming long-distance love affair ang hindi tumatagal at ito’y nauuwi madalas sa hiwalayan tulad na lamang sa nangyari kina Antoinette Taus at Dingdong Dantes. Pero kakaiba ang love affair nina Jolina Magdangal at Bebong Muñoz. Kahit milya-milya ang layo nilang dalawa ay lalo lamang tumatatag ang kanilang pagmamahalan. Kapag may panahon si Bebong ay dinadalaw niya sa Pilipinas si Jolina at gumagawa rin si Jolina ng paraan para madalaw ang kanyang nobyo sa Amerika kung saan ito nagtatrabaho.

Pero kapag niyaya nang pakasal ni Bebong si Jolina, wala itong magagawa kundi iwan ang kanyang showbiz career sa Pilipinas dahil tiyak na sa Amerika na sila mamimirmihan.
* * *
Mukhang bini-build-up ng TAPE, Inc. ang tambalang Oyo Boy Sotto at Marian Rivera dahil pagkatapos ng Kung Mamahalin Mo Lang Ako na nagtapos nung nakaraang Biyernes, silang dalawa muli ang mga pangunahing bituin sa bagong teleseryeng Agawin Mo Man Ang Lahat.

Si Oyo Boy ang boyfriend ni Angel Locsin sa tunay na buhay at si Marian naman ang pinopormahan ni Mark Herras.
* * *
Kung dati-rati’y naging commercial king si Aga Muhlach sa rami ng TV commercials nito noon, mukhang naagaw na ito ng boxing champ na si Manny ‘Pacman’ Pacquiao na may limang commercials bukod pa ito sa gagawin niyang bagong TV commercial ng San Miguel Beer. Meron pa siyang print ad ng isang battery na pangsasakyan. Nariyan pa ang isang sardinas, pain killer tablet, burlington socks, isang undergarment at iba pa. 

Talagang panahon ngayon ni Pacquiao na tila superstar.  Pinagkakaguluhan saan man siya magpunta.

Milyones ang bayad kay Manny sa mga commercial at milyon din ang ibinayad sa kanya para sa pagsasapelikula ng kanyang buhay.

Kung milyones ang kinikita ngayon ni Manny, tiyak na tiba-tiba rin ang kita ng kanyang business manager.
* * *
Marami ang naaaliw sa Bisayang housemate na si Budoy dahil siya ang nagsisilbing entertainer sa loob ng Bahay ni Kuya. Nakakatuwa ang mga celebrity housemates ng Pinoy Big Brother dahil agad silang naging close sa isa’t isa.

Sa kaarawan ng isa sa mga housemates na si Christian Vasquez, marami ang napahanga nito sa kanyang pagiging mapagmahal na ama sa kanyang dalawang anak. Hindi napigilan ni Christian ang mapaiyak nang makita sa TV ang kanyang mga magulang at mga anak na bumati sa kanya. Ipinarinig din sa kanya ang boses ng kanyang dalawang anak na nagdarasal kaya lalong hindi napigilan ni Christian ang  mapaiyak. Napaiyak din ang ibang housemates ni Christian.

Nakakatuwa rin si Mang Rudy Fernandez na sa kabila ng kanyang kapansanan ay hindi ito hadlang.

Sino kaya ang unang mapapatalsik sa Bahay ni Kuya? At sino kaya sa 14 na housemates ang makakapag-uwi ng isang P1M?

Samantala, marami ang naba-bother sa sobrang kapayatan  ng isa sa mga housemates na si Rustom Padilla na malaki ang itinanda ng itsura ngayon kumpara nung aktibo pa ito sa kanyang showbiz career. May ilang taon ding nawala sa limelight si Rustom nang ito’y magtungo ng Amerika.

Maisalba kaya ng Pinoy Big Brother ang career ni Rustom?  Abangan!
* * *
a_amoyo@pimsi.net

Show comments