Pambansang Banda ng Pilipinas

Sampung taon na pala sa eksena ang Parokya ni Edgar.

Naalala ko tuloy noong unang napapanood namin sila sa Club Dredd, dun sa EDSA, Cubao. Ilan sa kanila ay naka-cross dressing pa. Mga suot babae. Pero kwelang-kwela naman sa underground crowd.

Ibang klase kasi ang kanilang sense of humor, lalo na ng kanilang frontman na si Chito Miranda. Pagbuka ng bibig ni Chito, tawanan agad ang mga nagsisiksikang tao sa Club Dredd.

Doon nga sila sinadya ng yumaong Bella Tan para makipag-usap tungkol sa isang recording deal. Sa ingay dun, hindi ko batid kung paano sila nagkaintindihan. Basta’t sumulpot na lang sa opisina ang grupo, pero walang nakasuot babae.

Madali lang ang usapan. Nagkapirmahan agad sina Mrs. Tan at ang Parokya ni Edgar. Natapos ang unang album na "Kangkunghernitz" (ewan ko kung tama ang spelling basta’t ganito ang tunog) na naging instant platinum at umabot pa sa quadruple platinum.

Malaki pala ang crowd na underground na siguradong lahat tumangkilik sa album. Nadagdagan pa ang kanilang mga tagahanga dahil nag-cross-over sila sa mainstream pop.

Isang taon pa lamang sa music scene, kabilang na ang Parokya ni Edgar sa mga leading bands sa bansa. Patungo agad sila sa pagiging Pambansang Banda ng Pilipinas.

Parami na nang parami ang kanilang mga hit singles, mga kantang naging bahagi na ng kulturang Pinoy. Ang mga kantang "Buloy", "Please Don’t Touch My Birdie", "Harana", "Halaga", "Picha Pie","Swimming Beach".

Bago dumating ang kanilang 10th anniversary, inilabas ang "Halina Sa Parokya" album na ang carrier single ang "Mang Jose", ang super hero na for rent o pwedeng bayaran.

Noong Biyernes, nakita ko ang Parokya ni Edgar habang nagso-shoot ng isang bagong music video, "Papa Cologne" na bago nilang single mula sa "Halina sa Parokya" album.

Sa buong taon ng 2006, marami pa silang ibibigay sa kanilang publiko. Hanggang Disyembre, meron silang hatid na sorpresa. Kaya nga lang, hindi pa nila matukoy at baka magkaroon ng bulilyaso.

Siniguro nila na sa buong taon ng fire dog, iba’t ibang klase ng aliw ang manggaling sa Pambansang Banda ng Pilipinas.

Show comments