Suwerte ni Marvin, sunud-sunod ang dating

Nakikiramay ako sa malungkot na trahedyang nangyari sa programang Wowowee.

Sana maging aral sa atin ang mga ganitong pangyayari. Batay sa aking karanasan noong araw kung saan nagkakaroon tayo ng mga show sa Araneta, Folk Arts at ULTRA ay talagang dinudumog ang ganyang mga palabas. Pero dapat ay pinapapasok agad ang mga tao, at hindi iniipon dahil maliit lang naman ang daanan.

Kailangan maging unang concern natin ay ang security ng mga mamamayan, kaya dapat maayos ang lahat ng pasukan.

Sa panahong ito na marami ang nangangailangan, talagang magtitiyaga silang pumila at makipagsiksikan.

Ganunpaman ay tapos na ‘yan, muli ay ipinaaabot ko ang aking taos pusong pakikiramay sa lahat ng mga naulila.
* * *
Kung napapansin n’yo sa mga panahong ito ay patapos na ang mga programa sa telebisyon, pero marami na ring nakapilang palabas ang ilulunsad.

Katulad ng Sugo ni Richard Gutierrez na magtatapos na ang kuwento. Pero tinanggap na ni Richard ang Captain Barbell. Pero siyempre hindi naman ito basta-basta masisimulan.

Maging sa kabilang istasyon ay nakahanda na rin ang show na pagsasamahan nila Judy Ann Santos at Piolo Pascual. At ang palabas na Panday ay muli na namang magbabalik. Nagsisimula na rin ang kanilang Pinoy Big Brother Celebrity Edition.

Ganun din naman ang GMA-7 na marami nang nakapilang projects. Kaya tiyak na muling magiging mahigpit na naman ang laban ng dalawang istasyon lalo na ng primetime shows.
* * *
Ngayong buwan ng mga puso, maraming pagpipilian ang lovers kung saan sila magsi-celebrate ng Valentine’s Day.

Nandiyan sina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Aiai delas Alas at Rico Puno sa Araneta. Magkasama rin sila Kyla at JayR sa Aliw Theater. Susundan naman ito sa Feb 12 ni Mega Sharon Cuneta na marami ring supporters. Kung gusto n’yo naman ng imported, nandyan si Andy Williams. Meron ding show sina Kuh Ledesma at Pops Fernandez at marami pang iba.

Pero kahit sabay-sabay ang mga shows, wish ko na kumita silang lahat!

At Happy Valentine’s Day sa inyong lahat.
* * *
Suwerte ngang maituturing si Marvin Agustin ngayong taon, biruin mo ba namang siya ang magwagi ng P1M sa Extra Challenge.

Malaking tulong ito kay Marvin lalo na’t nagpo-produce siya ng pelikula na Donsol. Kabi-kabilang negosyo rin ang gusto niyang pasukin.

Kaya hindi na ako hihingi ng balato sa iyo Marvin. Masaya na akong makita kang maligaya at matagumpay sa iyong career.

Show comments