Judy Ann, woman in love

"Woman in Love," yan ang diskripsiyon ng marami kay Judy Ann Santos ngayon dahil kitang-kita sa mukha nito ang pagiging in-love.  Siyempre pa, ang masuwerteng guy ay walang iba kundi si Ryan Agoncillo na katambal ni Juday sa unang episode ng Komiks na matutunghayan na ngayong Pebrero 4 sa ganap na ika-6 ng gabi.  Sina Juday at Ryan ang mga pangunahing bituin ng Inday Bote na siyang first episode na matutunghayan sa bagong programa ng ABS-CBN na pinamagatang Komiks dahil lahat ng mga istorya na matutunghayan dito ay lahat halaw o hango sa komiks na sinulat ng mga batikang nobelista o komiks writers tulad nila Pablo S. Gomez, Elena Patron, Vic Poblete, Rod Santiago at maraming iba pa.

Lahat ng mapapanood na episode sa Komiks ay parating wakasan linggu-linggo.  Bukod sa Inday Bote na ginawang pelikula noon at pinagbidahan ni Maricel Soriano, nasa line-up na rin ang ibang episodes tulad ng Blusang Itim na pagbibidahan ng dating housemates ng PBB na sina Cassandra Ponti at Uma Khouni, Vincent na pangungunahan ng dating magkasintahang Rica Peralejo at Bernard Palanca, Agua Bendita na tatampukan nina Shaina Magdayao at Rayver Cruz, Ang Paa ni Isabella na pagbibidahan nina Luis Manzano at Toni Gonzaga at ang Mamayang Hatinggabi nina Anne Curtis at Geoff Eigenmann.

Samantala, walang katotohanan ang lumabas na balita na hindi pinanood ni Ryan ang Dont’ Give Up On Us nina Juday at Piolo Pascual dahil ayaw nitong makaramdam ng selos. On the contrary, inamin ni Ryan na pinanood niya ang pelikula at nagandahan umano siya.  Katunayan, kinongratulate pa ni Ryan ang kanyang kasintahan dahil alam niya ang pinagdaanan nitong hirap nung ginagawa nila ni Piolo ang pelikula.
* * *
Parami ng parami sa ating  mga showbiz personalities ang sa Amerika na namimirmihan na ang pinakahuli ay ang sexy star na si Patricia Javier na nag-asawa na ng isang American national.  Sa Amerika na rin ngayon naka-base ang dating ABS-CBN contract star na si Jodi Sta. Maria at ang mister nitong si Pampi Lacson.  Marami-rami na rin sa mga dating members ng That’s Entertainment ni Kuya Germs ang nag-migrate na rin sa Amerika. Nariyan sina Lea Salonga, Jennifer Mendoza, Mikee Vellanueva, Tootsie Guevarra, Bunny Paras, Lenny  Santos  at iba pa.  Maging ang ibang talents ng ABS-CBN tulad nina Carol Banawa at ang Muñoz brothers na sina Leandro at Carlo Muñoz ay sa L.A. na rin ngayon naka-base.  Napakalaki na rin ng pangalan lalo na sa Europe ng isa pang That’s Entertainment talent na si Billy Crawford.

Speaking of That’s Entertainment, bakit kaya hindi ito ibalik ng GMA at ilagay sa QTV para lalong lumakas ang bagong TV network na pag-aari rin ng GMA?
* * *
<a_amoyo@pimsi.net>

Show comments