Ilang buwan palang naghihiwalay sina Mike at Camille nang magkaroon ng boyfriend na Hapon ang huli at nabuntis ito na buong akala naman ni Mike ay siya ang ama ng ipinagbubuntis ng dating jowa.
Sa umpisa palang ay ipinagtapat na ni Camille na Hapon ang ama ng kanyang anak, pero hindi naniwala si Mike dahil inako niyang siya ang ama kaya naman habang nagbubuntis si Camille ay inalagaan niya ito, binibilhan ng vitamins, hanggang sa nanganak ay sinagot ni Mike ang gastos at siya rin ang nagbantay dito sa ospital.
Ngayong malaki na ang bata at dahil parating nakikita si Mike ay tinawag na siyang daddy na nung una ay okey lang, pero nitong huling mga araw ay hindi na pwede dahil dumating na ang tunay na ama ng bata mula sa Japan na daddy din ang tawag ng bata.
Naiirita na si Camille dahil biglang kinukuha ni Mike ang bata ng walang paalam at ipinapasyal ito na inihahatid naman sa gabi.
Kaya ang plano ng dating sexy star ay ipa-DNA test ang bata at si Mike para malaman hindi niya anak ang bata. Maging ang Hapon na talagang tatay ng bata ay dadaan din sa ganung pagsusuri.
Pag hindi pa rin daw tumigil si Mike sa kaki-claim na anak niya ang anak ni Camille ay ididemanda na raw siya ng sexy star para hindi na makalapit pang muli sa bata.
Kaaliw, di ba? yung iba, itinatanggi na may anak sila, eto naman si Mike obsessed sa anak ni Camille.
Say mismo ng isang publicist na hindi na nakatiis ay, "Pumunta na ako mismo sa executive ng programa, sabi ko, wala naman akong pagkukulang sa press releases nila, kung ano ang ipinasusulat ay sinusulat ko naman, sana lang on time silang magbayad."
Nagulat kami nung banggitin ang programang hindi nagbabayad ng publicists nila dahil ito ang moneymaker ng GMA 7 for the last 4 years at kung hindi rin kami nagkakamali ay sila ang may pinakamalaking inakyat na pera last year, dahil sa rami ng sponsors nila.
Nung una raw ay napapalampas ng handler ang alaga niya sa ganitong ugali niya, pero lately daw ay sumusuko na siya at maski na malaki ang talent fee niya rito ay iiwan na niya ito.
"Hihingi ng payo, tuturuan mo kung ano ang gagawin, tapos hindi susunod, pag nagkaipitan na dahil sa palpak niyang desisyon, ako ang ituturo, tama ba yun?
"Lahat ng problema, ako ang itinuturo, e, pupuwede ba naman yun, mas nakikinig siya sa ibang tao na mali naman ang sinusulsol, kaya kapag malala na ang sitwasyon, sa akin ipapasa.
"Kaya maski na malaki ang suweldo ko sa kanya, lalayasan ko na siya, ewan ko kung may makatagal pa, hindi worth it ang suweldo ko sa ugali niya hindi ako natatahimik, maski na oras na ng pahinga ko, iistorbohin pa rin ako," kwento sa amin.
Well, ganyan naman talaga ang lahat ng nagiging sakit ng mga sikat ng artista, mahirap na silang ispelengin, samantalang nung hindi pa sila knowing, mga maamong tupa sila. REGGEE BONOAN