Bituin, mas effective na stage actress

Maraming dahilan kung bakit hanggang ngayon ay dinudumog pa ang stage musical na Once On This Island ng Actor’s Actors Inc. at Stages sa direksyon ni Bart Guingona, gayong nasa ika-third run na ang pagpapalabas nito sa Carlos P. Romulo Theater ng RCBC.

Unang-una, tunay na nakakaaliw ang kabuuan ng popular na Broadway musical, kahit simple lang ang istorya at mga eksena rito.

Susunod na dahilan, lahat ng mga gumanap sa stage musical na Pinoy performers ay mahuhusay at bagay na bagay sa kanilang mga papel na ginampanan.

Tila sinadyang likhain ang role ni Papage (Diyos ng Kamatayan) para kay Jett Pangan. Saka comfortable na ang rock singer sa legitimate stage, kaya’t naibigay niya ang lahat ng nuances na hinihingi ng kanyang papel, pati na ang pagiging storyteller.

Si May Bayot naman ay isang tunay na hiyas sa ibabaw ng entablado.

Si Bituin Escalante naman, tila ipinanganak upang maging isang dakilang stage musical actress.

Si Michael De Mesa naman bilang banyagang si Armand ay lumutang ang pagiging competent actor.

Natuwa naman akong mapanuod muli si Menchu Lauchengco, na madalas ko nang nasubaybayan sa maraming mga hit stage musicals noong dalaga pa siya.

Gusto kong sigawan ng "Bravo" ang beteranong si Bodjie Pascual dahil sa haba at hirap din naman ng kanyang role, wala akong nakita kahit katiting na dirty movement sa kanya.

Very refreshing namang panoorin sa stage ang batang talentong si Raki Vega.

Muy simpatico naman ang newest addition sa cast as Daniel, na si Ginacarlo Magdangal.

Ikatlong dahilan ang mahusay na choreography ni Denise Reyes, na naisayaw naman ng con todo gusto ng mga gumanap sa stageplay.

Ipapalabas uli ang Once On This Island sa Pebrero 3, 4 at 5; alas-8 ng gabi. May matinee ng alas-3 ng hapon sa Pebrero 5. Baka ito na ang mga huling pagkakataon na mapanood ninyo ang hit musical sa Carlos P. Romulo Theater ng RCBC Plaza sa Ayala corner Gil Puyat streets sa Makati.

Para sa ticket at booking maaring tumawag sa Ticketworld 891-9999 at Silang Communications sa 819-0458 at 0917-5289746.

Show comments