Sexbomb dancer, may bf nang Abztract dancer, super-sweet pa kay JC de Vera!

Wala na ba sina Aifa (isa sa Sex Bomb Dancers) at ang boyfriend niyang dancer din na myembro naman ng Abztract?

Kaya namin ito naitanong ay dahil last Sunday ay nakita siyang naka-angkla sa braso ni JC de Vera sa Euro Star Carnival sa Taguig City at talagang super sweet ang dalawa habang naglalakad at sumasakay sa rides.

Hindi sana namin sila mapapansin ni JC kaya lang pinagtitinginan na sila kasi nga masyadong showy itong si Aifa as in PDA (public display of affection) na tila gustung-gusto naman ng aktor.

At naibulong naman sa amin ng aming kaibigan na bago palang ang relasyong JC at Aifa.

Anyway, bagay naman ang dalawa, alam kaya ito ng kanilang respective managers na sina Joy Cancio at katotong Jun Lalin?
* * *
Naaliw kami sa isang sikat na aktres na taga-ABS-CBN dahil mas pinapanood daw niya ang mga telefantasya ng GMA 7 kesa sa fantaserye ng Dos.

Heto ang eksaktong sinabi ng sikat na aktres, "Mas maganda ang mga telefantasya ng GMA kumpara sa ABS, parang nakukulangan ako sa gawa sa Dos.

"Type na type ko yung Encantadia, gustung-gusto ko yung istorya at costumes nila, type ko kasing maging diwata rin, sana may project akong ganun.

"Nagustuhan ko rin yung Sugo, lalo na kapag may mga lumilipad na eksena. At ang guwapo ni Richard Gutierrez."

At dahil hindi niya nabanggit ang Darna ni Angel Locsin ay tinanong namin kung nagustuhan niya ito.


"Hindi ko siya napanood, eh. Kasi may kasabay siya sa ABS, mas pinapanood ko yun. Pero balita ko, Darna ang pinakamataas sa ratings sa GMA, totoo ba?" paliwanag sa amin.

Wala naman nabanggit ang sikat na aktres kung type din niyang maging Darna, basta ang pagkapuri-puri niya ay ang Encantadia dahil type niyang maging diwata.

Anyway, bahala na ang readers kung sino ang sikat na aktres na ito na kaya hindi napanood ang telefantasya ni Angel ay dahil kasabay daw ng fantaseryeng isa siya sa cast.

At pahabol, "Maganda yung Jewel In The Palace, nakaka-relate ako," o, hayan, give-away na talaga ang clue kung sinex itich.
* * *
Naaliw kami kay Ms. Aiai delas Alas dahil napasahan daw siya ng text messages na, kaya nanalo si Manny Pacquiao sa laban niya kay Erik Morales ay dahil narindi ito sa pagkanta ni Jen Bautista ng "Lupang Hinirang", di raw tulad sa unang laban nila na si Lani Misalucha ang kumanta at sobrang galing daw, kaya natalo.

Say tuloy ni Ms. A, "Nakakatawa naman yung trivia na yun, sana ako rin, padala sa susunod na laban ni Manny, gusto ko ring kumanta."

In fairness, nasa tono namang kumanta ang Comedy Concert Queen, hindi lang talaga niya kaya ang matataas na nota.

Naiinis nga ang komedyana kasi hindi raw siya nakipusta, "May nakikipagpustahan nga hindi lang ako tumuloy kasi wala akong pamusta, he, he," sambit niya.

Samantala, excited na siya sa buwan ng Pebrero dahil sunud-sunod pala ang shows niya, may bar tour siya as in sa Klownz Araneta, Angeles City at Zirkoh umpisa sa February 13, 14, 18 at iba pang petsa within February.

At sa February 17, nasa Ormoc Super Dome si Aiai with Cueshé at February 10 at 11 ang Forever After, Fanta Concierto kasama naman sina Rico J. Puno, Ogie Alcasid at Regine Velasquez sa Araneta Coliseum.

Kaya sana huwag nang malungkot si Ms. A na mawawala ang sitcom niyang My Juan and Only kasi marami namang kapalit at take note, in dollars pa dahil by April hanggang last quarter of the 2006 ay nasa buong Europe, Qatar at ilang Asian country siya dahil ka-join siya sa world tour ng Forever After, Fanta Concierto.

"Oo nga, pinalitan ni Lord ang mawawala kong show ng dollars, kasi sabi niya, mas malaking pera kailangan ko," nagbiro niyang sabi. – REGGEE BONOAN

Show comments