Maricar de Mesa, concert producer na!

May isa pa namang teleserye si Maricar de Mesa sa ABS CBN, ang Vietnam Rose, kaya hindi masasabi na hindi na siya aktibo sa showbiz. For a while kasi, inakala ng mga tagasubaybay ng local showbiz na hindi na siya aktibo, at kuntento na lamang na maging girlfriend ng isang basketbolista. Akala pa nga ng marami ay nagsawa na siya rito. Yun pala, may pinagkakaabalahan siyang negosyo, isang boutique, ang Anything You Want na matatagpuan sa Xavierville, na kung saan ay nakatira siya kasama ang pamilya pero, wala ito sa loob ng kanyang bahay o sa labas nito, nasa bungad ito ng village.

Magkasosyo pa rin sila ng kanyang ina sa isang kumpanya na nagbu-book at nagpu-prodyus ng mga shows concerts, shows, fashion shows, pageants, launchings, fundraisers at marami pa. Last year ay nag-prodyus sila ng isang bikini pageant na ginanap sa Subic.

This year, isang concert sa Metro Bar & Concert Lounge sa Pebrero 8 ang inihahanda nila.

Pinamagatang Shake Your Groove Thing!, tampok dito sina Jeni Hernandez at Cherry Lou at syempre, sasamahan sila ni Maricar bilang special guest. Kasama rin ang bandang Noah’s Ark.

Ang venue ay pagmumukhain nilang era nina Diana Ross, Bee Gees at John Travolta. Baka sabihin n’yong pang older generation ito, di po, ang mga awitin ng mga panahong ito ay gagawing makabago at inareglo sa panahong kasalukuyan.

Direktor ng palabas si Jessel Monteverde.
* * *
Sa wakas nakapag-elect na ng bagong pamunuan ang KAPPT na mas gustong makilala ngayon sa pangalang The Actors’ Guild.

Nabotong presidente si ER Ejercito, na bukod sa pagiging mayor ng Pagsanjan, Laguna ay isa pa ring aktor at kasama niya sa board sina Conrad Poe, Vice Pres.; Amay Bisaya, VP ext. affairs; Cris Daluz, sec.; Pamela Amor, treasurer; Lucy Quinto, Tirso Cruz lll, Efren Reyes, Vic Felipe, Baldo Marro, Dick Israel, Rey Solo at Nino Muhlach, board of directors.

Ayon kay Virgie Balatico na siyang tagapagsalita ng grupo, maraming pagbabago na gagawin ang bagong halal na pangulo sa organisasyon. Tulad ng pagdidisenyo ng logo para sa organisasyon, paggawa ng bagong direktoryo ng mga myembro, pagkakaro’n ng bagong uniporme, paghahanap ng bagong opisina, at pagpapatupad ng mga bagong regulasyon sa lahat ng myembro.

Patatatagin din nila ang kanilang alliance sa PAMI, pagpapatupad ng MOA sa pagitan ng mga artista at producer ng pelikula, pagtatayo ng isang kooperatiba, pagdibelop ng mga kabataang myembro.

Sa tulong ng lahat inaasahan ng mga bagong halal na opisyal na matutupad nila ang lahat nilang mithiin at bisyon para sa kanilang samahan.

Show comments