20 years na sana ang That’s...

Kapag nakikita ko ang mga batang naging produkto ng 10 taong pamamayani sa ere ng That’s Entertainment ay nakakapagmalaki ako. Biruin mo, ang dami ko palang naging anak. At matangi sa ilan na hindi pinangatawanan ang pag-aartista at naging maligaya na lamang na maging ordinaryong mamamayan, ang karamihan sa mga bata ay sumikat at nagkaro’n ng sarili nilang lugar sa langit-langitan ng showbiz.

Sina Billy Crawford, Lea Salonga, Ruffa Gutierrez, Jon Joven at si Caseylin Francisco ay nakilala rin sa ibang bansa. Si Billy ang kasalukuyang toast of Europe. Sa maniwala kayo at sa hindi, sikat na sikat siya, dahilan para mawalan siya ng panahon na mailaan para makauwi ng Pilipinas.

Si Lea, nakakauwi naman at nakakapag-concert dito. Masaya ako dahil magiging ina na siya ng tahanan at masaya siya sa kanyang bagong buhay bilang maybahay.

Ganundin si Ruffa na naging Miss World Princess at nakapagtrabaho bilang TV host sa abroad. Madalas din itong umuwi at magbakasyon dito.

Si Jon Joven ay nag-decide na dito muna siya gagawa ng pangalan. Maraming taon din siyang lumabas sa Miss Saigon sa Germany at sa ilan pang musical na ginawa sa bansang ito. Katatapos lamang niya ng Jose Rizal the Musical.

Si Caseylin naman matapos na magningning bilang Miss Saigon sa Netherlands ay isa namang sikat na TV star sa Amsterdam.

Hay, di ba nakakataba ng puso na marami rin akong nagawang magagaling at mahuhusay na pulitiko? Si Jestoni Alarcon, bise gobernador na ng Rizal, si Isko Moreno at Robert Ortega ay mga mahuhusay na konsehal ng Maynila, si Bimbo Bautista ay isa pa ring board member ng Cavite.

Andyan pa rin at sikat sa kanilang mga larangan sina Janno Gibbs, Sheryl Cruz, Manilyn Reynes, Rufa Mae Quinto, Kyla, Francis M, Keempee de Leon, Vina Morales, Francine Prieto, Piolo Pascual, Jean Garcia, Harlene Bautista, Romnick Sarmenta, Lotlot de Leon, Ramon Christopher, at marami pang iba. Marami ang malakas kumita abroad. Kung susumahin, mas nakahihigit ang naging matagumpay sa loob man o labas ng showbiz.

Masisisi n’yo ba ako kung hangarin kong muling mabuhay ang That’s Entertainment? Hindi lang naman ako, marami pa ring iba na sampalataya sa ginawa kong pag-discover at pagbi-build up sa maraming kabataang artista.

Show comments