Hindi pa niya alam kung magkano ang hinihinging danyos. Bahala na raw ang abogado niya.
Kwento ni Mommy Alice nang makausap namin, nagkitat nagkaharap na sila ng entertainment writer-columnist na si Joey Sarmiento (ang pinagsimulan ng kwento) nung gabi ng kontrobersyal na awards night ng Metro Manila Film Festival.
Sinabi ni Mommy kay Joey na bibigyan niya ito ng one week para mag-react at kung hindi nito magawa yon, tuloy ang demanda.
"Nangangapa siya, nauutal at hindi alam kung ano ang sasabihin niya," paglalarawan pa ni Mommy Alice habang kausap si Joey.
Sinabing may kakausapin daw si Joey para bigyang-linaw ang naisulat pero wala naman itong mabanggit na pangalan. Si Mommy ang nagbanggit ng pangalan ni Tirso kay Joey.
Si Tirso ang producer ng Musikahan na ayon sa lumabas na kwento ay isang show na dapat puntahan ni Rica, pero hindi nga natuloy dahil na-airport-to-airport na ito.
Na mariing pinabulaanan naman ni Mommy Alice na walang katotohanan. Sa katunayan ay nakapag-show si Rica sa Musikahan nung November 29, 2005 at mariing sinabi uli ni Mommy Alice na hindi guest ang kanyang anak kundi ito ang lead performer.
Tinawagan ni Mommy Alice si Tirso kinabukasan pagkatapos nilang magkitat magkaharap ni Joey. Ayon sa kwento ng butihing ina ni Rica, hindi kilala ni Tirso si Joey at ang may kakilala raw sa reporter ay a certain Mr. Simbulan na ang anak ay laging nira-write-up ni Joey.
Marami nga raw naririnig si Mommy Alice tungkol kay Joey about money matters, pero hanggang dun lang ang pagkakasabi niya, sabay sabing "owww."
Ayaw din ni Mommy Alice na lalampas ng isang linggo ang gagawing retraction ng writer-columnist.
One week, no retraction, tuloy ang demanda.
"Mahirap bang gawin yon?" balik-tanong sa amin ni Mommy Alice.
Nag-usap sila ni Joey nung January 6 at hanggang 13 lang ang palugit.
Kung walang retraction within one week, ayon kay Mommy ay magsasampa na ito ng demanda sa January 16 (Lunes).
Nagpunta sina Mommy Alice at Rica sa US nung November 11 at bumalik sila sa bansa nung December 1 of last year. At ayon kay Mommy, hanggang June 30, 2006 pa ang US working visa ni Rica. BOY ROMERO