Direk Maryo J, nilayasan ng Masculados!

Isang kinikilalang direktor ng pelikula si Maryo J.delos Reyes. Mahuhusay ang kanyang mga ginagawang pelikula at hindi naman maikakaila na maraming mga artista ang sumikat nang mai-direk niya sa kanyang mga pelikula. Siguro nga ang masasabing record niya ay noong mapasikat niya ang lahat ng mga bida sa kanyang pelikulang Bagets noong 1984, at itinuring mga ayon na mga male superstars.

Bilang isang direktor, siguro nga ay wala nang kailangang patunayan si Maryo J, at siguro kung may artista siyang gustong pasikatin, kailangan lamang naisama niya yon sa kanyang mga pelikula at sisikat din sigurado.

Kaya nga isa kami sa mga nagtaka noong pinasok niya ang talent management ilang taon na ang nakararaan. Kagaya ng ibang mga managers, inilalapit niya sa mga producers at kapwa niya direktor ang kanyang mga alaga. Noon din naman ang panahong nakita namin kung papaano makisama sa press si Direk Maryo, hindi para sa sarili niya kundi para magkaroon ng publisidad ang kanyang mga alaga. Hindi lang pagod, gastos din ang inabot niya .

Kagaya rin ng ibang managers, sugal ang lahat. Sino ba naman ang makapagsasabi kung sisikat ang mga mina-manage mo at kikita ka? Walang nakasisiguro riyan pero si Direk Maryo, sige pa rin siya sa pag-aalaga sa kanyang mga talents.

Kaya nga nalungkot kami nang mapanood namin sa TV yong balita na lumayas na sa kanya yong Masculados, at pinagbibintangan pa siyang nandaya sa kita nila.

Nakakalungkot dahil ang isa sa mga nagbibintang kay Direk Maryo ay isang talent na natatandaan naming ipinagpipilitan niya noong bigyan kahit na kaunting publisidad kahit na nilalait siya ng iba at sinasabi sa kanyang hindi naman mukhang artista. Pagkatapos ng lahat, yon ang inabot niya. ‘Yan ang masakit na buhay ng isang taong nagmamalasakit at nagma-manage ng mga artista. Kadalasan pinagbibintangan pa silang nanlalamang ng kanilang kapwa.

Kunsabagay may mga managers naman na talagang tarantado rin. Pero sa kaso ni Direk Maryo, hindi siya malapit na kaibigan pero alam namin kung papaano siya magmalasakit sa kanyang mga talents.
* * *
Gusto lang naming ibalita sa inyo na sa susunod na buwan na ang ground breaking, o ang simula ng pagtatayo ng isang national shrine ni Santo Padre Pio sa Sto.Tomas, Batangas. Isa yong malaking simbahan na maaaring maglulan ng isang libong tao ng sabay-sabay. Nakita na namin ang plano, at sa palagay namin kung matatapos ay isa nga sa magiging pinakamagandang simbahan sa ating bansa.

Sa tabi noon ay itatayo rin ang isang ospital para sa mga mahihirap, dahil ganoon ang pangarap ni Padre Pio noong nabubuhay pa siya. Kung gusto ninyong makita ang plano ng simbahan, o malaman ang iba pang mga detalye, kausapin ninyo ang parish priest na si Rev. Fr. Dale Anthony Barretto Ko. ‘Yon din pong healing mass para sa mga may sakit ay ginaganap pa rin tuwing ika-23 ng bawa’t buwan saganap na ika-9 ng umaga at ika-6 ng hapon.

Show comments