Yasmien, di na papatol sa intriga!

Mukhang matutulad ang pelikulang Lagot Ka Sa Kuya Ko sa Terrorist Hunter na ipu-pull out sa SM Cinemas at ibang sinehan dahil hindi maganda ang resulta nito sa takilya.

Base sa booker ay nakakuha lang ito ng P450,000 sa first day at sa ikalawang araw ay mas bumaba pa. 

Samantalang ang kasabayan nitong Mourning Girls na nakakuha naman ng P400,000 sa unang araw ng showing ay lumalakas naman sa ikalawang araw, ‘yun nga lang, ‘mainit’ pa rin ang ulo ni Direk Gil Portes.

Samantalang ang Blue Moon sa unang araw ay nakakuha kaagad ito ng P2.7M at patuloy pa itong humahabol sa number 4 slot. Nanatiling nasa number 3 slot ang Mulawin, The Movie dahil may kumakalat sa text messages na bumaba na raw ito sa number 4 dahil umakyat na ang Ako, Legal Wife (Mano Po 4).

Certified boxoffice king pa rin sa MMFF si Vic Sotto dahil siya pa rin ang nasa number one slot at base sa mga sinehang nalibot namin ay may tatlo hanggang apat na sinehan palabas ang Enteng Kabisote na umabot na sa P59.7M gross simula nung magbukas ito, at sunod ang Exodus, Tales from the Enchanted Kingdom na P41.7M na sa dalawang sinehan lang palabas, Mulawin, The Movie ay P34M na, Ako, Legal Wife P28M, Shake, Rattle and Roll P21.5M, Kutob P9M, at Terrorist Hunter P1.8M.
* * *
Gaano katotoo na tila sinisisi raw ng GMA 7 management ang ilang bossing sa QTV 11 dahil sa maling concept ng mga programa na siyang dahilan kung bakit limitado ang audience at hindi gaanong pinapasok ng ads?

Ito ang nabanggit sa amin ng ilang executive ng nabanggit na istasyon na, "Natalakan kami, kasi pambabae raw ang ginawa naming packaging ng QTV 11, katwiran naman namin nung binubuo namin ang QTV ay girl power ito, at umokey naman sila.

"Ganun naman talaga kapag nag-uumpisa mahina, sana lang bigyan kami ng chance," kuwento sa amin.

May mga nakausap din kaming executive ng mga programang co-prod ng QTV na oobserbahan lang daw nila ang isang season hanggang pangalawang season, at pag hindi pa rin daw pumalo ay magba-back out na sila dahil malaking pera na ang natatapon.
* * *
Ngayong gabi ang last task ng natitirang final 11 ng Starstruck batch 3 kay Dance Guru Douglas Nieras at tiyak na nangangatog na naman ang mga tuhod ng mga hindi makasunod sa kilalang mataray, istrikto pero magaling na dance guru.

In fairness, mabait si Douglas at talagang matututo ka at kaya siya ganun kahigpit ay para hindi masayang ang ibinabayad sa kanya para magturo.

Kaya naman nang mapanood namin ang kanyang first ever theater dance concert sa Onstage last December 28 ay talagang napailing kami sa galing ng mga estudyante niya.
* * *
Isa si Yasmien Kurdi sa bida ng Season 4 ng Now and Forever na mag-uumpisa na ngayong buwan na may episode title na Tinig.

Top ratings lahat ang episode ng Now and Forever simula nung nag-umpisa ito kaya’t malaking hamon ito para sa ka-loveteam ni Rainier Castillo dahil silang dalawa ni Sheryl Cruz ang ibinebenta at maski hindi aminin ng bagets ay halatang kabado siya sa nabanggit na programa.

Pangako ni Yasmien sa sarili na ngayong 2006 ay iiwasan na niyang ma-intriga at sumagot sa mga isyung ipupukol sa kanya sa gaganaping presscon ng Now and Forever dahil wala raw namang kapupuntahan kung lahat ay sasagutin niya, umaasa siyang hindi ‘maiirita’ kapag may mga nagtanong sa kanyang mga kasamahan sa hanapbuhay.

Last year kasi ay kung anu-ano ang na-isyu sa kanya at dahil dito ay nakapagbitaw siya ng salita sa amin na pagka-graduate niya ng high school ay tatanggapin na niya ang scholarship niya para mag-aral ng medicine, at pag nangyari ito, tiyak na "goodbye" showbiz na siya. — REGGEE BONOAN

Show comments