Actress, nagtampo sa isang network

Na-test kung gaano ka-solid ang fans nina Jennylyn Mercado at Mark Herras nang hindi sila mag-react nang ipakita ang trailer ng I Will Always Love You sa premiere night ng Blue Moon. Parang hindi sina Richard Gutierrez at Angel Locsin ang kanilang pinapanood dahil talagang dedma sila.

Hindi tuloy nalaman nina Mother Lily at director Mac Alejandre na nasa premiere night kung nagustuhan ng fans ang trailer. Kung nasa premiere night ng Mulawin the Movie si direk Mac, siguradong matutuwa siya sa narinig na comment ng fans. Totoo namang nakaka-kilig ang eksena ng dalawa’t super guwapo ang rehistro sa movie ni Richard at maganda rin si Angel.

Sa February 8, 2006 ang playdate ng Iwaly, pre-Valentine’s Day presentation ito ng Regal. Bukod sa trailer, nagustuhan din ang theme song na kinanta ni Nina. Ayan, may aabangang pelikula na naman nina Angel at Richard ang kanilang fans.
* * *
Hindi na pala papasok sa Etheria si Keempee de Leon gaya nang ibinalita sa amin. But he was considered for the role of Nakba na napunta kay Rainier Castillo. Hindi na binanggit sa amin kung bakit napalitan ni Rainier si Keempee. May kinalaman siguro na magkasama na sila sa Bahay Mo Ba To. But so far, sa napapanood namin, bagay kay Rainier ang role ni Nakba.

Maganda sana kung nakasama si Keempee sa tele-fantasy at magkakasama sila ni Pauleen Luna. Maitutuloy niya ang panliligaw sa dalagita’t magkikita sila sa taping. Pero, puwede naman siyang dumalaw sa taping at puro niya kaibigan ang nasa cast ng Etheria lalo na sina Sunshine Dizon at Francine Prieto.
* * *
Pitong taon nang naninirahan sa Cebu si Donna Cruz pero, hindi pa rin siya matatas mag-Cebuano. Nakaka-intindi siya pero, hindi pa kayang magsalita nang diretso. Talo raw siya ng mga anak na marunong mag-Cebuano, Tagalog at English.

Ni-request naming mag-Cebuano si Donna na sinunod nito’t okey naman pati accent ay kuha niya kaso lang, maiiksing sentences lang ang kaya niya. Kailangan pa raw niyang mag-aral ng Cebuano.

Hindi nakakalimutang itanong kay Donna ang bahay ni Dr. Yong Larrazabal sa Cebu. Wish nitong matapos na ang bahay this February para makalipat na sila. Itinanggi nitong worth P60 million ang five-bedroom house pero, sa nakita naming pictures sa kanyang cellphone, gusto naming maniwala. Malaki’t mala-palasyo ang bahay at ang bilang namin ay may five wings at malawak ang lawn.

"Gusto ko ang buhay sa Cebu. Tahimik, malapit sa beach, sa mall pati sa school ng mga bata. Hindi ko nami-miss ang showbiz dahil nakakapag-guest pa rin naman ako," sabi nito.
* * *
Nagtatampo sa isang network ang isang magaling na actress. Idea niya pala na i-revive ng istasyon ang hit TV show at dahil nakita ang potential na muling mag-klik sa televiewers, ginawa ito ng istasyon.

Ang request lang ng actress, bukod sa kanya, isama sa cast ang dalawang bida ng show nang una itong mag-ere. Pumayag ang kanyang mga kausap kaya, laking gulat nito nang malamang nagti-taping na ang show at hindi siya kasama at ang ibang artistang kanyang ipinakiusap.

Dahil nagtampo, hindi na rin nito tinanggap ang offer ng network na isama siya sa isa pa nilang show. Tuluy-tuloy pa rin ang taping ng show at puwede pang isama ang actress at tiyak namang hahanapan siya ng magandang role kung magbabago ang kanyang isip.

Show comments