Mother Lily, kabado sa Blue Moon!

Gaano katotoo na ninenerbyos daw ngayon si Mother Lily Monteverde dahil mahina ang Terrorist Hunter na bida si Eddie Garcia?

Si Mang Eddie rin kasi ang bida sa Blue Moon na ipalalabas naman sa January 1 at nag-aalala si Mother Lily na baka maka-apekto sa boxoffice ng Blue Moon ang kinahinatnan ng Terrorist Hunter na nakaka-P1M palang ang kinikita simula nung opening day ng MMFF.

Buti na lang daw at may Mark Herras, Jennylyn Mercado, Pauleen Luna at Dennis Trillo ang nabanggit na pelikula na pawang may supporters na.

Kaya ito ang nagpapalakas ng loob ni Mother Lily na hahataw sa takilya ang Blue Moon, ang nag-iisang drama entry ng Regal Entertainment ngayong taon.

Samantala, ngayong gabi, Huwebes sa Cinema 3 ng SM Megamall ang premiere night ng Blue Moon kaya fans nina Mark, Jennylyn, Pauleen, Dennis at iba pa, sugod na.
* * *
Tinext kami mismo ng mga-taga GMA 7 staff na grupong nanood ng Exodus: Tales from the Enchanted Kingdom sa SM Megamall sa first screening kaya’t wala pa raw gaanong tao nang mga oras na yun.

Nagandahan ang nabanggit na grupo sa special effects ng Exodus, "Halatang mahal, at maayos ang pagkakagawa, although iilan lang ang artista, karamihan hindi pa kilala. May mga ilang loopholes tulad ng walang katapusan nilang paglalakbay para puntahan si JayR kasi puro talahiban yung nilalakaran, wala man lang bundok o disyerto para kunwari naman, e, iba-ibang lugar na sila napunta, ano yun, pabalik-balik sila sa talahiban?

"Kaya pala nilagyan na lang ng mascara si JayR kasi hindi marunong umarte at walang moment ang pagkamatay niya bilang pangunahing kontrabida. Si Paolo Bediones, siya yung matandang storyteller. Hindi ganun kaganda si Iya Villania para maging diwata, puwedeng si Cindy Kurleto ‘yun. Pinakamaraming flying scene si Aubrey Miles, pero as usual, walang acting at emosyon. Okey si BJ Forbes, Benjie Paras at si Bong, masyadong malaki ang katawan, halata tuloy may edad na.

"Yung Enchanted Kingdom, sa umpisa lang ipinakita na kunwari nanood ang mga batang mayayaman, I’m sure mga anak ng mga Revilla ‘yun sa Realto at ang palabas nga Exodus at doon na nag-umpisa. Simple lang ang istorya, pero maayos," eksaktong kuwento sa amin.
* * *
Umere na last Tuesday ang promo ng ilang cast ng Enteng Kabisote 2: The Legend Continues sa programang Sis na ikinagulat namin dahil ang concept ng nabanggit na programa ay "best of 2005" kaya’t paano napasok ang promo ng pelikulang kasama sa 31st Metro Manila Film Festival?

Gusto tuloy naming isiping biglang pinayagang i-ere ito para mawala sa isipan ng viewers na mayro’n talagang "rift" between GMA 7 at M-Zet at Tape, Inc? O, dahil nabalitaan nilang nagpakawala na ng mga one-liner ang bida ng Enteng Kabisote 2 na si Vic Sotto sa ginanap na thanksgiving party.

Ending, nagmukhang "engot" ang Sis dahil sa pagkakasingit ng Enteng Kabisote 2, sana pinanindigan na lang nilang i-hold ito at bibilib pa sana kami kasi may paninindigan sila, e, bahag pala buntot ng GMA, e.
* * *
Labis ding ipinagtataka ng ilang taga-GMA 7 ang ibinalita raw ni Vicky Morales sa Saksi nung Martes ng gabi na naka-P12M sa first day ang Mulawin kaya’t sila ang number one.

Ang alam daw nila ay wala silang figures na ilalabas dahil nga baka kuwestiyunin sila ng iba, at ito rin daw ang bilin sa kanila ng ilang bossing ng Siete na huwag magbabanggit ng figures.

"Wala kasi kaming makuha pang concrete na figures sa MMFF, before umere ang Saksi, e, may nakuha na sila?" ito ang katwiran sa amin.

Kuwestiyon lang, kung naka-P12M ang Mulawin, naka-P12.4M naman ang Enteng Kabisote at naka-P13M plus naman ang Exodus (ayon sa kampo ni Bong), paano naging number one ang Mulawin, di number 3 pa rin?

Anyway, nakatanggap kami ng text message mula sa booker at ang unofficial standing sa MMFF sa pangatlong araw, December 27, Enteng Kabisote- P24M; Exodus- P17M; Mulawin- P15M; Shake, Rattle and Roll- P10M; Ako, Legal Wife-P10M; Kutob- P4.5M at Terrorist Hunter- P1M. — REGGEE BONOAN

Show comments