Mga artista ng isang MMFF entry, di nag-promote ng kanilang pelikula!

Muli na namang pinatunayan ni Vic Sotto ang kanyang karisma at hatak sa takilya nang magsimulang ipalabas ang kanyang Enteng Kabisote 2 (Okay Ka, Fairy Ko... The Legend Continues) nung araw ng Pasko, Disyembre 25.

Sa ikaapat na taong pamamayagpag ni Vic sa boxoffice ng Metro Manila Film Festival, walang alinlangan na hawak pa rin talaga nito ang korona bilang MMFF Box Office King nang muling manguna sa takilya ang kanyang pelikula na dinirek ni Tony Y. Reyes sa ilalim ng OctoArts Films at M-Zet TV Productions.

Hindi pa man tapos ang takbo ng MMFF na magtatapos sa Enero 7, 2006, masayang-masaya na si Vic at ang kanyang co-producer na si Orly Ilacad sa magandang resulta sa takilya ng Enteng Kabisote 2. Agad nagbigay sina G. Ilacad at Vic ng thanksgiving party nung Lunes ng gabi sa entertainment press na ginanap sa Virgin Cafe.

"Kung tutuusin, belated thanksgiving party namin ito ni Pareng Vic (Sotto) dahil sa pagiging No. 1 ng Enteng Kabisote nung nakaraang taon sa MMFF. Hindi kami nakapagpasalamat last year dahil nagkaroon ng sore eyes si Pareng Vic," pahayag ng OctoArts big boss na si G. Orly Ilacad.

"Nagpapasalamat din kami sa lahat dahil sa magandang takbo ng Enteng Kabisote 2 nang ito’y magbukas nung nakaraang linggo. Hindi naman ito magiging posible kung hindi rin sa suporta ng maraming tao," dugtong pa ni G. Ilacad.

Talagang subok na subok na ang tandem nina G. Orly Ilacad at Vic Sotto at maging ang direktor na si Tony Y. Reyes sa paghahatid ng mga box office hit movies. Lingid sa kaalaman ng marami, ang triumvirate nina Ilacad, Sotto at Reyes ay nagsimula nung taong 1990 nang pasukin ni G. Ilacad ang pagpu-produce ng pelikula sa pamamagitan ng pelikulang Iputok Mo, Dadapa Ako na pinagbidahan ni Vic at dinirek naman ni Tony Reyes.  Magmula noon ay tuluy-tuloy na ang samahan ng tatlo sa paggawa ng pelikula.
* * *
Gaano kaya katotoo ang balitang nakarating sa amin na masamang-masama umano ang loob ng TV promotions coordinator ng isang MMFF movie sa mga lead stars ng pelikulang kanyang hinawakan dahil napaka-uncooperative umano ng mga ito considering na hindi naman umano malalaking artista ang mga ito kumpara sa mga stars ng ibang kalahok na pelikula?

"Pasalamat sila na may nagtitiwala pa sa kanilang movie producer tapos hindi naman sila professional para tulungan ang kanilang pelikula," dugtong pa nito.
* * *
Isa kami sa nanghihinayang sa love-affair ng dalawang ex housemates  ng Pinoy Big Brother na sina Say Alonzo at JB Magsaysay. Nabuo ang kanilang pagmamahalan nung pareho pa silang nasa loob ng Bahay ni Kuya pero kung kelan nasa labas na sila pareho at malaya na nilang gawin ang lahat ay saka naman sila nagkahiwalay.

Sa The Buzz nung nakaraang linggo ay sabay na nag-guest sina JB at Say. Although firm si Say sa pagsasabing mas mabuti pang maging magkaibigan na lamang sila, halata kay JB ang kirot at halatang mahal na mahal pa rin nito ang dating nobya.

Kung seryoso naman si JB na muli niyang makuha ang loob ni Say, bakit hindi siya gumawa ng paraan para manumbalik ang tiwala nito sa kanya?  Bakit hindi niya muling suyuin o ligawan si Say?

Si Say naman, halata ring may natitira pa ring pagmamahal kay JB.  Ang problema nga lamang, mas pinaniniwalaan  pa rin nito ang mga balitang nakarating sa kanya.
* * *
Nung linggo ng hapon ay nakatanggap kami ng tawag galing kay Sen. Bong Revilla, ang pangunahing bida ng pelikulang Exodus na isa rin sa mga humahataw sa takilya ngayon sa Metro Manila Film Festival.

Masayang ibinalita sa amin ni Sen. Bong na neck-to-neck umano ang labanan ng Enteng Kabisote 2 ni Vic Sotto at ang kanyang Exodus. 

"Ang wish ko ay hindi lamang para sa pelikula ko kundi para sa lahat ng kalahok na kumita.  Kailangan tayong magtulungan para muling mabuhay ang industriya ng pelikulang Pilipino," ani Sen. Bong.

"Kung hindi tayo magtutulungan, sino pa ang sasagip sa ating industriya," aniya.

Ngayong nasa senado si Sen. Bong, malaki ang kanyang magagawa para sa industriya laluna kung magtutulungan sila nina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Lito Lapid na pare-parehong kabilang sa iisang industriya.
* * *
E-mail: a_amoyo@pimsi.net

Show comments