Nitong nagdaang taon, may isang pangalang namukod-tangi sa Pista ng Pelikulang Pilipino. Lahat ng kanyang lahok ay tunay na nanguna sa takilya. "Di nga matatawaran ang lakas ng hatak sa mga tao ni Vic Sotto, mula sa Lastikman (2002), Fantastic Man (2003) at Enteng Kabisote (Okay Ka Fairy Ko,.. The legend) noong isang taon, waging-wagi ang mahusay na TV host at komedyante.
Ngayong taon, sinusubukan ang kanyang karisma sa pamamagitan ng Enteng Kabisote The Legend Continues, ng OctoArts Film at M-Zet Production.
"Totoo yon! Lahat kami na bumubuo sa pelikula ay masaya sa kinalabasan ng aming mga hirap at sakripisyo habang ginagawa namin ito. Saludo ako partikular sa aming direktor na si Tony Y. Reyes na binusisi talaga ang bawat eksena para magandang lumabas. Mas pinaigting din ang kuwento. Ngayon, di lamang kay Enteng at sa kanyang pamilya umiikot ito. May mga importanteng lihim na mabubunyag sa sequel," ani Bosing.
Malakas ang dating ng pelikula na ayon kay Vic ay di lamang maipagkakapuri dahil sa special effects kundi dahil din sa itoy tumatalakay sa ilang mahahalagang isyu tungkol sa pamilya.
"Siyempre, isang malakas na panghatak ang pabulosang special effects ng pelikula lalo na yung labanan sa ere at ilalim ng dagat. Pero ang mas maganda ay ang mga nakapaloob at ginintuang aral na mapupulot tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng pagmamahalan, unawaan at suportahan sa mag-anak. Mahalaga yon, di ba?"
Kapansin-pansing sa unang tatlong pelikulang inilahok niya sa MMFF, pawang si Tony Y. Reyes ang nag-direk at siya rin muli para sa Enteng Kabisote... The Legend Continues.
"Masuwerte kasi ang tambalan naming tatlo ng OctoArts. Lagi kaming nakaka-jackpot sa takilya. Hindi naman sa ayaw kong makipagtrabaho sa iba subalit subok na to."