Pasko sa showbiz

May gimmick naman silang "recorida" sa Metro Manila Film Festival. Ito supposed to be yong promo ng mga pelikula sa mismong sinehan. Pero mukhang walang masyadong epekto yan, dahil ano nga bang promo ang magagawa nila sa mga sinehan eh ang pinagkakaguluhan pa hanggang ngayon ay ang pelikulang King Kong?

Palagay din naman namin palpak yang gimmick na yan, dahil hindi mo naman maaasahan ang mga artista sa ganyang klase ng promo. Yong mga young stars lang ang mahilig sa mga mall shows, pero yong mall shows na yon ay inaayos pa rin naman ng mga film companies, at hindi kaugnay ng "recorida" gimmick na yan ng mga organizers ng MMFF.

Maliban doon, walang matinding promo gimmick ang MMFF, at maliwanag na nakasalalay pa rin sa sariling mga promo at advertising campaign ng mga producers ang kalalabasan ng kanilang mga pelikula.

Marami rin ang humuhula na hindi lahat ng mga pelikulang kasali sa festival na yan ay kikita. May mga pelikulang sinasabi nilang suwerte na nga lang at nailabas pa sa festival, pero "mukhang walang pag-asang kumita talaga".

Aminin na natin na talaga naman kasing napakahirap ng buhay sa ngayon, bukod doon, inaasahan pa ng mga tao ang mas mahirap na buhay para sa Enero kung kailan magtataas na naman ng singil sa kuryente dahil pinayagan na yon ng gobyerno. Kaya nga, talagang nagtitipid na ang karamihan ngayon.

Wala ring katiyakan na walang pirated na kopya yang mga pelikula sa MMFF. Basta napirata yan, lalong tapos na sila.
* * *
Kahit na anong hirap ng buhay, may Pasko pa rin sa showbusiness. Sa ilang imbitasyon na aming natanggap para sa mga Christmas parties, dalawa lang ang aming pinuntahan,ang Christmas party namin dito sa Pilipino Star at saka christmas party ni Kuya Germs para sa kanyang Master Showman.

Una, gusto naming pasalamatan ang management ng Pilipino Star. Alam ba ninyong maraming kaming kasamahan na inggit na inggit sa amin dahil maliban sa Pilipino Star ay walang ibang publication na nakaalala man lamang sa kanilang mga manunulat?

Gusto rin naming pasalamatan ang mga nakaalala sa amin. Sina Baby Gil, Viva Films, Rachelle Ann Go, Mark Bautista, Dennis Aguilar, iyong Paskong Pasiklab, at ang marami naming mga non-showbiz friends. Pinasaya nila ang aming Pasko.
* * *
Kausap nga pala namin noong isang araw si Fr. Dale Anthony Barretto Ko ng Padre Pio Parish sa Sto. Tomas, Batangas. Nasabi niya sa amin na tuluy na tuloy na ang pagtatayo ng pambansang Shrine ni Padre Pio doon sa kanilang lugar at siya siyempre ang namamahala noon.

Kaya nga iyong mga deboto ni Padre Pio, at iyong mga gumalng ang sakit at gumanda ang buhay dahil sa debosyon sa santo, sana naman ay tumulong kayo para mabilis na matapos ang kanyang pambansang Shrine sa Batangas.

Show comments