Mga stars ng Edsa

Isa sa pangunahing sukatan ng kasikatan ng mga artista ngayon, ang pagkakaroon ng billboard along Edsa. Status symbol na sa ating mga showbiz personality ang mailagay ang mga mukha nila sa mga higanteng anunsyo sa kahabaan ng highway.

Kapag wala ang mukha ng isang artista sa ilang kilometrong kahabaan ng Edsa mula Monumento hanggang sa dulo ng Makati, ibig sabihin hindi pa siya made, hindi sikat. Kapag marami ka namang mga mukha or images na milyun-milyon motorista o mga nakasakay sa mga buses, jeepneys at MRT ang nakakakita, walang kaduda-duda, you’re on top of the world... kahit sa ilusyon lang ito ng artista!

Bagtasin natin ang Edsa at matatanaw, kung titingin sa bandang itaas, ang mga naglalakihang mukha nila Kris Aquino, Piolo Pascual, JayR, Gary Valenciano, Martin Nievera, Cesar Montano, Vina Morales, Ricky Reyes, Gloria Romero, Masculados, Jose Mari Chan, Mike Tan, Angel Locsin, Richard Gutierrez, Mark Herras, Regine Velasquez, Dingdong Dantes at Sarah Geronimo.

Ang mga bida sa mga Metro Filmfest entries, makikita rin ngayon sa kanilang mga billboards sa Edsa. Tulad nina Bong Revilla sa Exodus, Vic Sotto at Kristine Hermosa sa Enteng Kabisote.

Sa hanay ng mga female celebrities, masasabing si Kris Aquino ang kasalukuyang billboard queen. Siya ang may pinakamaraming mga anunsyo sa Edsa. Pati nga laundry soap pinatulan niya dahil dagdag billboard din yon at nakadagdag sa status symbol.

Meron pa siyang papaya soap, ladies bag at iba pang produkto.

Sa kalalakihan, sina JayR at Piolo Pascual ang nagko-contest ng paramihan ng billboards. Ang Sun Cellular kasi tinadtad ng anunsyo ang ibang mga MRT stations. Si Piolo may Timex watch, Max’s Fried Chicken at Diadora na maraming billboards sa Edsa.
* * *
Kapag dumadaan si Rizza Navales sa Edsa, driving her own car, nalulungkot siya at naiinggit sa mga artistang may billboard. Kahit nga ang manok kinainggitan niya!

Nakikita ba ninyo ang anunsyo ng Bounty Chicken na isang manok ang nakalagay?

Sabi ni Rizza habang naghihinagpis: "Buti pa ang manok may billboard sa Edsa." Ang hiling pa niya, alisin ang ulo ng manok at ulo na lang niya ang ipalit. Kahit may katawang manok, nagkaroon naman siya ng billboard sa Edsa!

Nakarating sa may-ari ng Bobson shirts ang paghihinagpis na ito ni Rizza. Ewan kung naawa o natawa sila kay Rizza. Siguro naaliw sila sa kwentong billboard ng world champion singer.

Kaya naman pinagpagawa nila ng sariling billboard si Rizza Navales, na nakalagay pa ang kanyang debut album from Universal Records.

Noong unang nakita ni Rizza ang sariling billboard sa may Guadalupe, Makati. bumaba siya ng kotse, dala ang kanyang camera. Nagkaroon siya ng instant pictorial sa ilalim ng kanyang billboard. Masayang-masayang umuwi si Rizza sa Mandaluyong City that night.

Hindi naman siya natulog agad. Tinawagan niya ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan na nasa Cebu. Lahat sila kinumbidang lumuwas sa Maynila.

Gusto kasi ni Rizza na pati mga friends and relatives niya na nakatira pa sa Cebu, lumuwas ng Maynila para makita ang kanyang dream billboard!

Nag-iisip tuloy ako kung anong produkto pwedeng maging endorser si Rizza. Para naman madagdagan pa ang kanyang billboard sa Edsa.

Show comments