Kampo ni Mark, sinisiraan si Jennylyn?

Tinanong namin si Jennylyn Mercado kung ano ang reaksyon niya sa balitang nagpa-abort siya.

"Hindi naman ako apektado dahil hindi totoo. Paano naman ako magpapa-abort gayung lagi akong nasa taping at shooting? Araw-araw naman nakikita ako run. Hindi naman ako nagbakasyon. Noong nakaraang Linggo kasi ay nawalan ako ng malay sa taping ng Encantadia pero kinabukasan ay nagreport agad ako sa set.

Sinabi pa rin nito na malamang na sa kampo ni Mark Herras nanggaling ang paninira sa kanya.

Ryan, Gumaganda Ang Career
Maganda ang career ngayon ng bunsong kapatid nina Anjo at Jomari Yllana na si Ryan. Napapanood ito sa adventures na Laugh to Laugh kasama ang Jaboom Twins na sina Katrina at Kristine Gonzales.

Nagugustuhan namin ang isinasagawang barangay challenge ng mga host na inililinya sa theme ng show kada linggo. Isa itong palaro para sa kababaihan na puno ng kasiyahan, papremyo at marami pang sorpresa.

Natutuwa ang mga ina ng tahanan dahil sa live action at animation ay naaaliw ang mga bata kaya pagkakataon ng mga nanay na maiwan nila ang mga anak habang abala sila sa pagluluto ng hapunan at iba pang gawaing-bahay.

Napapanood ang Laugh To Laugh tuwing Biyernes 7:30 ng gabi sa QTV 11.
Susan, Suportado Ng Mga Kasamahang Artista
Bilang paggunita sa unang taong kamatayan ni Fernando Poe, Jr. ay marami kaming nakitang artistang kasamahan ni Susan Roces noon sa Sampaguita Pictures na pumunta ng Mowelfund Plaza. Ilan sa mga ito sina Barbara Perez, Amparo Lucas, Liberty Ilagan, Amalia Fuentes at iba pa na magaganda pa rin hanggang ngayon. Narun din ang magkaibigang sina Delia Razon at Lilia Dizon na parehong glamorosa.

Pero ang di namin nakilalang mabuti ay si Shirley Gorospe na malaki ang itinanda. Siya ang balo ng matinee idol noong si Zaldy Zhornack.

Dumating din sina Mayor Vilma Santos, JV Ejercito, Mayor Toby Tiangco, Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla. Naging panauhing pandangal ang dating First Lady na si Corazon Aquino.

Nagbukas si Susan ng center para sa memorabilia ng yumaong asawa.

Nagpasalamat ang ginang ni Da King sa mga taong sumuporta sa asawa.
Blind Item: Masinop Sa Pagkain
Minsan kumain sa isang restoran ang sikat na actor-politician kasama ang ilang kaibigan. Nalaglag sa braso niya ang kinakaing kanin pero, isinubo niya itong muli. Sabi ng katabi niya, "Nalaglag na ang kanin, kinain mo pa." Sagot naman ng aktor, "Aba, sayang din yan, no!"

Ang sikat na aktor at politician ay may sitcom ngayon.

Show comments