Ciara, naghihintay lang na magsalita si Paolo!

Inaamin ni Ciara Sotto na magkaibigan lang talaga sila ni Paolo Ballesteros. Pero, yung nakikita ng lahat na sweetness nila, sa harap man o likod ng camera, ay hindi isang gimik o para lang sa kapakanan ng kanilang programa sa TV. Talagang enjoy sila sa isa’t isa at kung yun ang tinatawag ng marami na MU, then may mutual understanding nga sila. Pero, ayaw pangunahan ni Ciara ang kapareha sa pagsasabi na may relasyon nga sila. As in mag-boyfriend na sila dahil "Wala naman siyang sinasabi sa akin, di rin siya nanliligaw. Okay naman kami as we are kaya ayaw ko nang i-complicate ang lahat by being presumptuous. But, nararamdaman ko ang care niya. Like when we were in the States, ibinili niya ako ng stuffed toy. Pag absent ako sa Eat Bulaga, nagti-text siya sa akin, saying nami-miss niya ako," pagtatapat ni Ciara.

Samantala, may bagong album si Ciara, second niya sa Sony BMG Music Entertainment titled "The Way of Love". Twelve cover versions ang ini-record niya for over a year at prodyus ito ng daddy niya, si Sen. Tito Sotto at ni Ben Escasa. Kasama sa album ang mga kantang "Aldila", "All I See Is You", "Manana de Carnival", "Ebb Tide", "Climb Every Mountain", "Moonriver", "Noche de Ronda", "Why Can’t I Remember To Forget You", "All The Things You Are", "You Don’t Own Me" at "Where Is Tomorrow".
* * *
Walang pigil ang pamamayagpag ng GMA7. Sa kabila ng pamamayani ng halos lahat nitong shows sa TV, eto at napili ito bilang Terrestrial Channel of the Year sa Asian TV Awards Night. First time ito na isang local network ang binigyan ng ganitong parangal bukod pa sa apat na kategoryang napanalunan nito at ang mga commendations na tinanggap nito. Tinalo nito ang mga kalabang networks sa Japan, South Korea, China, Singapore, Bangladesh, Malaysia, Pakistan, Indonesia, Sri Lanka, Thailand, Taiwan at Vietnam.

Ang GMA Network President at CEO Felipe L. Gozon ang personal na tumanggap ng parangal. Nanalo rin si Michael V. bilang Best Comedy Actor, Nonie Buencamino, Best Drama Actor, I Witness, Best Social Awareness Program at Eat Bulaga Silver Special, Best Entertainment (On/Off/Annual) Special.
* * *
Sa dami nang magagandang salita na binitawan ni Direk Jose Javier Reyes para sa isa sa mga bida ng pelikula niya na pang-MMFFP ‘05 na pinamagatang Kutob na si Marvin Agustin, kahit pa di ito manalo bilang best actor sa MMFFP Awards Night, sulit na ang naging hirap nito sa paggawa ng nasabing movie which is considered a strong dark horse di lamang pagdating sa awards kundi maging sa boxoffice.

Marvin takes over the role na hindi nagawa ni Dingdong Dantes dahil may iba itong pelikula para sa MMFFP at isang worthy replacement si Marvin na hindi lamang naman ngayon nagpakita ng kanyang passion sa pag-arte kundi nun pa sa dalawang naunang filmfest entry ng Canary Films gaya ng Malikmata at Spirit of the Glass.

Dito sa Kutob namulaklak ng husto ang kanyang acting.
* * *
May malaking palabas ang Starquest Entertainment Production, ngayong 8 NG sa Eastwood Central Plaza, Libis, QC. Pinamagatang One Nite Stand, tampok dito ang isang fashion show, dance contest and exhibition ng Bartlecrew breakdancers, fun games, free product sampling at musika ng K24/7 Band.

Show comments