TV host/politician true love ni direk

Hanggang ngayon ay mahal pa rin ng isang sikat na direktor ang sikat ding TV host at komedyante. Kasi yung picture nito ay nasa kwarto pa rin ni Direk hanggang ngayon. Yung ibang larawan na kasama ang mga paboritong artistang dinirek nito ay naka-display lang sa sala di gaya nang sa komedyante na nasa kuwarto nito.

Noong bago pa lang kasi ang komedyante sa showbiz ay ipinapahiram ni Direk ang kotse sa kanya at nag-imbento pa ito ng karakter para sa aktor kung saan siya ang bida sa sitcom.

Sumikat nang husto ang komedyante at kahit bihira na lang silang magkita ni Direk ay lagi pa ring naaalala ni Direk ang kanyang alaga lalo na ang naging relasyon nila.

Politiko na rin ang komedyanteng ito. Samantalang si direk ay namamayagpag pa rin sa TV at pelikula.
Wala Pa Ring Pahinga
Ngayong tapos na ang Darna ay inakala ni Angel Locsin na makakapagpahinga na siya kahit sandaling bakasyon. Pero lalo pa siyang naging abala sa trabaho ayon sa handler na si Cynthia Valconcha.

Abala siya sa pictorial para sa cover ng magasin. Lagare rin si Angel sa syuting ng Mulawin The Movie at I Will Always Love You.

Busy din ito ngayon sa dubbing at pictorial shoots kung saan paborito siyang kuning endorser ng iba’t ibang produkto.

Hindi naman nakakaapekto ang kanyang lovelife dahil lagi namang nakasuporta si Oyo Boy sa kanya kaya kahit pagod ay inspirado ito sa maraming trabaho.

Excited pa rin ito dahil pinag-aagawan siya nina Cesar Montano at Robin Padilla para makatambal sa pelikula.
Pinapahiram Ng Diamond Necklace
Maganda pa rin si Bella Flores sa pagdaan ng maraming taon. Tinanong ko siya sa presscon ng Ganda ng Lola Ko kung hindi ba niya gustong magparetoke para magmukhang bata? "Tama na sa akin na huwag nang magparetoke basta’t ang mahalaga ay regular ang exercise ko at balanse ang pagkain," aniya.

Kahit hindi sila magkakasundo nina Gloria Sevilla at Baby O’Brien sa sitcom na Ganda ng Lola Ko dahil sa pagkakaiba-iba ng personalidad at pag-uugali ay magkasundo naman sila at malalapit na kaibigan sa tunay na buhay.

"Katunayan ay may isang eksena kung saan bongga ang buhok ko dahil nagkikislapan ito at para mas maganda ay ipinahiram sa akin ni Baby kanyang diamond necklace. She’s so nice at saludo ako sa kabaitan niya."

Naikwento rin ni Bella na ginagawa siyang laruan sa set ni Bibeth Orteza na siyang headwriter at kung anu-ano ang ipinagagawa sa kanya.

Ginagampanan ni Bella ang papel ni Lola Daisy na dating bit player sa pelikula na ang tingin sa sarili ay napakaganda kaya inaakalang nagugustuhan ng mga kalalakihan sa kanilang lugar.

Napapanood ang Ganda ng Lola Ko sa QTV Channel 11 tuwing Biyernes ganap na 8:00 ng gabi.
Sa Kotse Na Lang Natutulog
Nakakwentuhan ko si Sam Bumatay na kasama naman sa Ay, Robot bilang isang ragdoll na nagiging robot.

Ayon kay Sam, enjoy na enjoy siya sa taping kahit inaabot sila ng madaling araw. Namememorya nito ang mahahabang linya kaya lang hirap siya minsan sa pagbigkas ng Ingles.

Nahihirapan din siya minsan dahil bukod sa taping ay nagsusyuting din ito ng Mulawin The Movie. Nakapagpundar na rin si Sam ng kotse mula sa kanyang kinikita sa showbiz. Nakabili na rin ito ng appliances at mayroong educational plan.

Sa sobrang pagod sa trabaho ay nakakatulog itong madalas sa kanyang kotse.

Show comments