Romansang Carlos Morales/Ms. Earth

Kilala na ang mga Pinoy sa pagiging great lovers dahil simula pa noong 1951 nang magwagi bilang unang Miss Universe si Armi Kusuela ng Finland, kababayan na natin ang nakabihag ng kanyang puso.

Bilang Mrs. Armi Hilario, misis ng kilalang negosyanteng si Gil Hilario, dito na nga sa Pilipinas nanirahan ang first Miss Universe. Sa ating bansa rin niya isinilang ang kanyang mga anak.

Si Miss International Stella Marquez ay naging Mrs. Araneta naman at dito na rin siya namirmihan at naging moving spirit pa ng Bb. Pilipinas beauty pageant at Bb. Pilipinas Charities.

Ang most recent na beauty queen na naging misis ng isang Pinoy na si Michelle Van Eimereen na dating Miss Australia. Siya’y naging misis ni Ogie Alcasid at nakilala ring artista sa pelikula at TV Pinoy.

Nagsulat pa ng isang children’s book si Michelle ang Butterfly. Sumulat pa ng isang kanta para sa libro si Ogie, kaya’t bawat kopya ng aklat ay kasama ang CD na ang titulo rin ay "Butterfly".

Ngayon ay sa bahay na nabili ni Ogie sa Australia naninirihan si Michelle with their two daughters.

Ang isa sa pinakamainit na balita ngayon, ang romansang Alexandra Braun Waldeck at Carlos Morales. Bago nanalo ng Miss Earth sa ating bansa ang sexy at magandang Venezuelan, isa na siyang sikat na fashion at commercial model sa kanyang bansa. Rumampa na siya sa mga shows ng mga sikat na Venezuelan designers tulad nina Angel Sanchez, Giovani Sculario at Jose Maria Almedia.

Kilalang-kilala na ang magandang mukha ni Alexandra sa Venezuela dahil sa kanyang mga McDonalds, Coke at Banco Provincial commercials.

Ito palang si Alexandra, may kakambal na kamukha talaga niya, si Karina. Kaya kapag hindi siya pwede sa isang engagement, si Karina ang nirerekomenda niya. Kapag ang kakambal naman ang hindi available, si Alexandra naman ang pumapalit sa kanya.

Nakabili ng isang kotse si Alexandra sa Venezuela mula sa kanyang kita sa pagiging sikat na modelo. Ang napanalunan niyang $20,000 sa Miss Earth contest, gagamitin niya para maging fully paid na ang kanyang sasakyan.

Habang nasa ating bansa ay naging paborito niya ang isdang lapulapu at ang matamis na leche flan... at syempre, ang makisig na si Carlos Morales. Naging very close ang dalawa at maraming nagsasabing they are more than good friends.

Ang kwento pa noon umuwi si Alexandra papuntang Venezuela, matagal ang paalamanan nila ni Carlos, habang tuloy ang kanyang pag-iyak. Well, hindi siya magka-crayola kung talagang hindi nabihag ni Carlos ang kanyang puso.

Si Carlos naman, nagbabalak na sumunod sa Venezuela sa Bagong Taon, o kaya sa birthday niya sa Enero 5. Mukhang magtutuluy-tuloy na naman ang romansa ng dalawang lahi!

Ang pangamba ko lang, may naiwang boyfriend sa Venezuela si Alexandra, si Daniel na ang sabi niya ay isang TV producer. Sa mga interview, pinagmamalaki pa niyang mahusay sumayaw ang kanyang Venezuelan boyfriend, kaya’t palagi silang nagdi-date sa mga Salsa Club sa kanilang bansa.

Hindi naman siguro susugod sa Venezuela si Carlos kung hindi siya binigyan ng assurance ni Alexandra tungkol sa tunay na pagtingin niya sa aktor.

Show comments