Noong pinapanood na namin ito sa saliw pa ng UST Symphony Orchestra, nagsimula kaming malungkot. Ang kalungkutan ay hindi mula sa kasaysayan ng stage musical na likha ni Floy Quintos at sa musika ni Prof. Antonio Africa.
Una kasi, ang mga gumanap sa mga pangunahing tauhan sa musical, walang binatbat sa mga gumanap doon sa version ng U.P. Theater na napanood namin a few months back.
Si Miguel Castro, magaling ang pagkaganap at pagkakanta bilang Bulan, ang pinuno ng mga Bagobong pinadala sa St. Louis International Fair noong 1904. Nasa kanya kasi ang tindig at tinig ng isang chieftain. Ang kanyang pagbuhay sa karakter, makatotohanan.
Ang nag-Bulan noong Huwebes, hindi maaring ihanay kay Miguel na magaling na dinala lang ang stage musical.
Isa pang kinalungkot namin ay ang pagkaganap ni Franco Laurel bilang Fred, ang narrator sa play. Napakahalaga ng papel na ito na siyang nag-uugnay at nagpapaliwanag ng pangyayari.
Ang interpretasyon ni Laurel bilang Fred, mahina. Wala kasi siyang bosessa pagsasalita at pagkantana pang legitimate stage. Syempre, hinanap ko rin ang mahusay na pagkaganap ni Jake Macapagal noon sa UP Theater.
Hindi ko tuloy naramdaman ang husay ng UST Symphony Orchestra dahil sa mga artistang kanilang inakumpanyahan. Higit pang nasiyahan ang mga kasamahan ko sa press, pati na ako, sa napanood naming unang musical production ng St. Louis Loves Dem Filipinos.
Isa kasing press preview ito, kayat umasa kaming higit na magiging maganda ang kanilang palabas. Kabaligtaran pala. Expected ko rin na si Isay Alvarez ang gaganap sa papel ng asawa ni Bulan, pero ibang aktres ang napanood namin, kahit sabihin pang mahusay naman siya.
Sa isang special press preview kasi, lahat ng expectations ay higit na magandang palabas ito. Hindi naman kasi nagpapalabas para sa media, upang punahin lamang, kundi para papurihan.
Ano naman ang isusulat kong papuri, kung wala naman akong makitang dapat papurihan?
With mediocre talents kasi, at magbabayad pa ang publiko, nagiging kabagut-bagot.
Sinabi naman sa amin ng isang may kaugnayan sa production na sina Miguel Castro ang mga performers sa opening night.
Patuloy pang ipapalabas ang St. Louis Loves Dem Filipinos ngayong gabi, Nobyembre 20, sa Nobyembre 24, 25, 26 at 8 p.m. Sana ibigay naman nila sa mga manonood ang mga mahuhusay na performers. Para makatiyak kayo sa mga tickets at kung sino ang mga artista sa gabing manonood kayo, tumawag sa 891-9999.