Maraming beses na naming plinanong magtungo ng Vigan pero hindi kami natutuloy dahil sa layo ng biyahe pero nang malaman namin na sasakay kami sa private plane ni Gov. Singson ay hindi na kami nagdalawang-isip dahil sa loob lamang ng isang oras ay mararating na namin ang Vigan.
Nung Martes ng umaga ay kasabay namin ng photographer na si Allen Villalon at Jenny Macatiag si Gov. Singson at dalawa nitong foreign guests sa kanyang 6-seater private plane patungong Vigan.
Na-delay man ang aming alis ay nakarating naman kami roon bago mananghali. Agad kaming tumuloy sa Baluarte resthouse ni Gov. Singson na nasa loob ng 70-hectare lot.
Pagbaba pa lamang namin ng sasakyan ay napakarami ng tao ang naghihintay na makadaupang palad ang gobernador. Agad hinarap ni Gov. Singson ang mga ito at isa-isang kinausap.
Nung una ay nag-worry kami ni Allen Villalon na baka hindi na namin ma-pictorial si Gov. Singson sa kaabalahan nito pero sa aming pagkagulat, ito pa ang lumapit sa amin para sabihin na ready na umano siya.
Si Gov. Singson na rin mismo ang nagsilbi naming tour guide. Ipinakita rin sa amin ni Gov. ang kanyang mga alagang exotic animals na inimporta pa niya sa ibang bansa tulad ng mga tigre (siyam sila), baby lion, sawa, mga usa, kangaroo, swans, ostrich, mga ponies at iba pa. Ang iba pang mga pets ay malayang nakakagala sa loob ng Baluarte at nakikihalubilo sa mga tao. Gulat na gulat din kami kay Gov. Singson dahil nakikipaglaro ito sa kanyang mga alagang tigre at lion at pinapakain din niya ito.
Nare-relax umano siya kapag nakikita niya ang kanyang mga alagang hayop lalo na ang kanyang paboritong tigre na si Kiara na madalas niyang kalaro at nakikipag-hi-5 pa ito sa kanya.
Dinala rin kami ni Gov. Singson sa White House ng Vigan, ang kanilang ancestral house ganoon din sa Heritage Village na pinaganda pa ni Gov. Singson.
Samantala, nakadaupang palad din namin si Ronald Singson, isa sa mga anak ni Gov. Singson na na-link noon sa aktres na si Angelu de Leon. Binata pa rin hanggang ngayon si Ronald at isa ito sa tumutulong sa kanilang mga family business. Ayon kay Ronald, tatlong taon din silang naging mag-on ni Angelu pero hindi umano nag-work ang kanilang relasyon kaya nauwi rin ito sa hiwalayan.