Selos ang dahilan kaya nawala nun sa ‘Okay Ka Fairy Ko’ si Alice Dixson

Marami ang hindi nakakapansin na hindi sa bansa naka-base ang aktres na si Alice Dixson kundi sa Vancouver, Canada kung saan ay naro’n din ang kanyang asawa na si Ronnie Miranda. Marami lamang siyang proyekto na ginagawa at iniiwan kaya ang akala ng marami ay hindi na siya umaalis ng bansa.

Tulad ngayon, kababalik lamang niya mula sa Canada. May dalawang taon din siyang nawala. Bumalik lamang siya nung June para sa isang family reunion at pagkatapos ay umalis siyang muli. Nung September ay nagbalik siya para gawin ang Darna na kung saan ay ginampanan niya ang role ni Dyangga, bilang reyna ng karagatan sa nasabing teleserye. Matatandaan na nung nag-Dyesebel siya ay naging kalaban pa niya si Dyangga pero, dito sa Darna ay role na nito ang ginagampanan niya.

Sali na rin si Alice sa MMFF entry ng Octo-Arts/M-Zet Productions na Enteng Kabisote...The Legend Continues bilang si Ina Magenta. Di malilimutan ng mga manonood na si Alice ang kauna-unahang Faye sa original na Okay Ka Fairy Ko sa TV nung dekada 80. Si Aiza Seguerra ang gumaganap na anak niya. Dito sa pagpapatuloy ng istorya ni Enteng (Vic Sotto) na nagsimula sa Okay Ka Fairy Ko, siya naman si Ina Magenta at anak niya si Kristine Hermosa.

Marami ang nagtataka kung bakit iniwan ni Alice ang Okay Ka Fairy Ko nung kasagsagan ng kasikatan nito sa TV. Pinalitan siya ni Tweety de Leon. At kahit ayaw na niya itong pag-usapan pa sapagkat matagal na rin naman ito at nakatapos naman ng serye na hindi bumababa ang kasikatan nito, napilit din si Alice na aminin na selos ang naging dahilan kaya niya iniwan ang serye. May nagselos sa kanya. Kung sino ito ay hindi na siya napilit pang sabihin pa.

Iniisip ni Alice kung babalik siya ng Canada o kung pasusunurin na lamang dito ang kanyang asawa para dito na sila mag-Pasko.

Sinabi niyang matahimik ang buhay nila run at maganda ang prospect ng buhay dun para sa mga gustong pumunta run. "Maraming opportunities. Pwede silang mag-aral o mag-trabaho. Maski sa mga gustong maging immigrants, maraming trabahong naghihintay dun," sabi niya.

Gusto niya ang tahimik na buhay niya sa Canada na kung saan ay kumuha siya ng refresher course sa pagsakay sa kabayo at broadcasting. Naging production assistant siya for CTV Ch. 9 sa Vancouver, Canada. Kahit hindi niya ipagsabi ay nakikilala rin siya na isang aktres sa Pilipinas kapag nagtagal na siya sa mga pinapasukan niya.

Masaya na si Alice sa kanyang buhay sa kanyang gulang na 36. Pangarap na lamang niya ay magkaro’n sila ng anak ng kanyang asawa pero, habang hindi pa nangyayari ito ay ini-enjoy muna nila ng asawa niya ang kanilang buhay.
* * *
Ewan ko ba, basta Jackie Chan movie, nag-i-enjoy ako. Feeling ko, sulit na sulit na ang oras na ginugugol ko sa panonood ng kanyang mga pelikula kahit sa stunts na lamang. Madalas kasi sa dulo ng mga pelikula niya ay ipinakikita ang mga pelikula niya in the making, maski na yung mga maliliit na aksidente na nangyayari sa kanya habang ginagawa niya ang pelikula.

Isang period movie ang The Myth na handog ng Viva International Pictures at magsisimulang mapanood sa mga sinehan sa Nob. 23.

Kung dati ay maliliit na pelikula lamang ang ginagawa niya with limited cast, dito sa The Myth, nakoww, katakut-takot ang ekstra. Obvious na ginastusan ang pelikula na isa si Jackie Chan sa mga producers.

Kwento ng isang archaeologist na sumabak sa isang mapanganib na ekspedisyon para matanto ang kayamanan ng isang emperador ng Tsina na nagpatayo ng mosoleo na kung saan ay inilagak ang kanyang kayamanan at ang elixir of youth. Dito rin siya nalibing kasama ang mga nagtayo ng mosoleo na nalibing ng buhay sa loob para mapangalagaan ang lihim ng kayamanan.

Fourth tandem ito ni Jackie at ng kanyang direktor na si Stanley Tong (Super Cop, Rumble in the Bronx, First Strike) katulong ang sumulat ng Crouching Tiger, Hidden Dragon na si Wang Hui-ling.

Magaganda ang mga female actresses dito, ang Indian na si Mallika Sherawat at ang Korean actress na si Kim Hwee Seon.

Kung fans kayo ng action skill ni Jackie Chan at ang kanyang brand of humor, plus the colorful costume, the beautiful cinematography ito ang pelikula para sa inyo.
* * *
E-mail: veronica@philstar.net.ph

Show comments