Loveteam nina Mark at Pauleen, papatayin ng GMA

Kahit kanselado ang soap opera nina Jennylyn Mercado at Mark Herras at kahit malapit nang matapos ang Encantadia, hindi ito mangangahulugang katapusan na ng kanilang loveteam sa telebisyon. In fact, magkasama pa rin sila sa SOP Gigsters at nagtatambal pa rin sa Maynila.

May ibang project pa rin silang gagawin pero, sa Season 9 ng Love to Love, hindi si Mark kundi si Jake Cuenca ang makakapareha ng dalaga. But nothing to worry ang fans ng dating magka-loveteam dahil may special participation daw si Mark at kung totoo ang tsika sa amin, siya ang makakatuluyan ni Jen sa ending.

Saka, nabalitaan din naming unti-unti raw papatayin ng Ch. 7 ang loveteam nina Mark at Pauleen Luna. Pero, mahirap mangyari ito dahil gumawa ng mini-series ang dalawa sa Hongkong under KB Unlimited ni Kitchie Benedicto, ipapalabas sa Siete sa Valentine’s Day next year.

Heto pa, together with Jennylyn, magkasama rin sina Mark at Pauleen sa pelikulang Blue Moon at sila rin ang pagtatambalin ng Regal sa White Lady. Itong last movie, una naming narinig na project for Jen and Mark at ngayon, launching movie na raw ni Pauleen.

Paano papatayin ang umiingay na loveteam nina Mark at Pauleen kung patuloy silang magtatambal sa pelikula?
* * *
Katuwa si Mike "Pekto" Nacua dahil hindi threaten sa pagsikat ni Belli Florie at kasama niya sa Nuts Entertainment. Sa presscon ng Hari ng Sablay, parang ipino-promote niya ang kaibigan dahil sa mga kuwento kung gaano ito kagaling.

Tsinika pa nitong nag-work sa That’s Entertainment si Belli, John Feir ang real name nito at gumaganap na Rextor sa Ang Mahiwagang Baul. Open si Pekto na magsama sila sa pelikula’t tiyak daw na masaya ‘yun.

Nag-record na rin ng dalawang kanta sina Pekto at Belli sa GMA Records entitled "Jack en Poy" at "Papa Chuva". Maganda raw ang feedback ng listeners kaya, baka gumawa sila ng buong album.

Makikipag-sabayan pala si Pekto ng husay sa comedy kay Bearwin Meily sa pelikula ng Regal na showing sa November 30. Sa husay niya, tiyak na hindi siya mapag-iiwanan ni Bearwin.
* * *
Natawa kami sa tsika ng talent manager na si Popoy Caritativo. Tinanong daw siya ng mother ni Dennis Trillo kung kailan luluwag ang schedule nito. Naawa na ang mother ng actor dahil halos wala na itong tulog sa sunud-sunod na trabaho.

Noong nakaraang linggo, tuluy-tuloy ang taping at umuuwi lang sa kanilang bahay para maligo at magpalit ng damit. Kundi sa Darna nagti-taping, nasa set siya ng Now & Forever (Agos) at naglalagare pa sa shooting ng Mulawin the Movie at Blue Moon. Bukod dito’y may mga TV guesting pa siya. Halos hindi na siya makita ng ina.

In-assure ni Popoy ang ina ni Dennis na sa pagtatapos ng Darna at shooting ng dalawang pelikula’y maluwag na ang sked ng actor. Taping ng N&F at Etheria na lang ang kanyang aasikasuhin. Confirmed nang si Dennis ang gaganap na young Raquim na ginampanan ni Richard Gomez sa Encantadia.

Show comments