Aryana, isinilang na star!

Nagwagi ng Silver (2nd) Prize si Aryana sa 8th Shanghai Asia Music Festival na tinanghal last weekend sa maunlad na lungsod sa People’s Republic of China.

Ang mga lumahok sa nasabing timpalak ay mga kinatawan ng 21 bansa sa Asia. Ilan sa mga bansang ito ay nagpadala ng mahigit na isang entries. Kasama rin sana sa contest si JayR, pero kailangan niyang mag-back-out dahil nagkaroon ng conflict ang kanyang schedule sa ating bansa. Meron palang mga natanguang mga shows dito ang kanyang manager sa mga petsa mismo kung kailan idinaos ang songfest.

Ang nanalo ng first prize ay mula sa Malaysia, samantalang ang third placer ay ang entry ng China.

Kalalabas lamang ng kanyang "Nauna Ako Bumati" (ng Merry Christmas) (with puppet Buko Pie) nang magtungo sa Shanghai si Aryana last week. Ang kanyang winning entry ay ang "Reviving the Feeling", isang original composition ni Vehnee Saturno at ng kanyang anak. Ang kantang ito ang nagwagi ng Best Song Award sa music festival.

Isa si Aryana na tunay na ipinanganak na star. Bukod sa angking ganda, maraming mga talento ang ipinanganak sa Guam na kinagigiliwan sa kanya.

Tatlong taon pa lamang si Aryana nang magsimulang kumanta. Noong 10 years old siya, paborito na siyang entertainer ng maraming mga grupo sa teritoryo ng Estados Unidos.

Noong lumipat sa California si Aryana, kinilala rin ang kanyang talento at husay kumanta. Nakalabas siya sa university productions ng "Circle of Life" at "Singing In The Rain".

Nakapag-record na rin siya sa Los Angeles. Dalawa sa kanyang mga kanta, ginamit sa popular doon na TV series, America’s Next Top Model, hosted by Tyra Banks.

Pagbalik naman ni Aryana sa Guam, sumali siya sa Shining Star Idol, kung saan tinanghal siyang kampeon. Naging opening act na siya sa mga Guam shows nina Jaya at Jasmine Trias.

Bilang curtain raiser sa isang live concert doon ni JayR, nang ma-discover siya ng kanyang manager na si Geleen Eugenio. Ang pamosong choreographer ang naghikayat kay Aryana na subukan ang kanyang swerte sa Pilipinas.

Isang taon pa lamang si Aryana sa bansa, pero masasabing matagumpay na siya bilang musical artist. Ang kanyang maiden Universal Records release na "Bop It" ay certified platinum at ito rin ang nagbigay sa kanya ng isang tropeo sa 2005 SOP Music Awards.
* * *
Madalas palang umorder ang mga artistang sina Nikki Valdez at Julia Clarete sa VSA Burger doon sa may Aries St. sa San Pedro, Laguna. Malapit lang kasi ang bahay nila sa nasabing kainan na paborito rin ng mga taga-Pacita subdivision.

Pag-aari ni Victor Areniz, ang madalas orderin sa VSA Burger House ay ang kanilang superb tasting pork chops, beef tapa, footlong hotdogs at ang kanilang malasang burgers.

Sa mga nakatira malapit sa nasabing lugar, maaari kayong tumawag sa 847-6642 at mabilis na idi-deliver sa inyo ang masasarap na pagkain.
* * *
Dahil sa big success ng Rizza Navales in Concert na itinanghal noong isang Sabado sa Carlos P. Romulo theater ng RCBC sa Makati, magkakaroon ng isa pang live concert ang Female World Champion sa World Championship of Performing Arts sa Hollywood sa nasabing venue sa December 12.

This time, sa halip na guest lang ay ka-back-to-back na niya ang Grand Champion ng Perfoming Arts Olympics na si Jed Madela.

Show comments