Aiai, umayaw sa Sandara/Joseph movie

Para sa isang nagsimulang magtrabaho sa pamamagitan ng pagkanta sa mga karaoke at sing-along bars hindi madali para kay Aiai delas Alas ang kumanta. Pero, hindi siya nagdalawang isip nang alukin siya ni Regine Velasquez na mag-guest sa concert series nitong Reflections na nagsimulang mapanood kagabi sa Aliw Theater. At mapapanood pa rin ngayong gabi, sa Nob. 11, 12, 18 at 19 at sa Disyembre 9 at 10.

"Kaibigan ko siya. Nung mag-guest siya sa concert ko, hindi siya nagpabayad, nagregalo lang ako. Natuwa naman siya," kwento ni Aiai.

Sa isang pakikipag-kwentuhan kay Aiai para sa kanyang gagawing pag-guest sa Reflections, sinabi niyang hindi na matutuloy ang pelikula niya sa Star Cinema na pagsasamahan sana nila nina Sandara Park at Joseph Bitangcol. Umayaw siya nang malaman niya na magiging suporta lamang siya ng dalawa. "Gusto ni tatay (Boy Abunda, manager niya) ay gawing magkakapareho ang weight ng mga roles namin, ayaw niya ng suporta lang ako. Kung magagawan daw ng Star Cinema ng paraan okay lang pero, since hindi na magagawan ng paraan kaya tumanggi na lang siya. Ibinigay na lamang nila kay Pokwang yata ang role. Okay lang sa akin, mabait sa akin si Pokwang at may respeto," ani Aiai pa.

Nakagawa na ng dalawang recording si Aiai na ang pinaka-huli ay ang "Tanging Ina" album. Mayro’n pa rin siyang dalawang regular na programa sa ABS CBN, ang My Juan and Only na ipinagmamalaki niya sapagkat hindi raw ito nawawala sa top position ("Sisikat ito balang araw," sabi niya) at ang ETK.
* * *
Sina Vice President Noli de Castro at QC Mayor Sonny Belmonte ang siyang magbubukas ng Paskong Pasiklab 2005, ang bonggang karnabal sa QC sa Nobyembre 11, 4NH.

Ang Paskong Pasiklab na sinimulan ng Fun Ventures Inc. tatlong taon na ang nakakaraan ay matatagpuan sa Commonwealth Ave., malapit lamang sa UP. Ginagawa ito sa pakikipagtulungan ng pamahalaang Lungsod ng Quezon.

Bukod sa mga makabagong rides, bubuksan din sa taong ito ang nag-iisang 3D Theater. Magkakaro’n din ng performance ang isang circus group sa loob mismo ng karnabal. Gagawin din dito ang Mr. & Ms. Pasiklab 2005, isang talent and personality search na bukas para sa lahat ng lalaki at babae. Magkakaro’n din ng Pasiklab Beauty Pageant para naman sa mga kabilang sa third sex.

Sa opening day, magkakaro’n ng isang variety show na pangungunahan ng Pinoy Big Brothers ng ABS-CBN. Bukas ang Pasiklab araw-araw mula 4NH.
* * *
Talagang pagdating sa Koreanovela ay di patatalo ang GMA7. Magsisimula na sa Nob. 7, Lunes, ang highest rating show sa Korea, ang Jewel in the Palace. Kwento ito ng isang court lady sa royal kitchen na nalagpasan ang kontrobersya at intrigang ibinato sa kanya. Naging unang manggagamot na babae sa royal palace. Ginagampanan siya ni Lee Young-ae. Kasama pa rin sina Hong Ri-na, Yang Mi-kyeong, Ji Jin hee at marami pang iba.

Si Faith Cuneta ang umawit ng mapakagandang theme song ng serye na pinamagatang "Pangarap na Bituin", unang pinasikat ni Sharon Cuneta.

Show comments