Kung iisipin din naman na ang gumawa ng sulat, si Robby Tarroza ay empleyado o consultant ng Viva, at sinabi niya na abugado pa raw ng Viva ang gumawa ng sulat na iyon, ibig sabihin may responsibilidad din ang Viva.
Pero lumalabas ngayon na walang kinalaman ang kumpanya roon dahil ang pagharang sa grupo ay sinasabi ni Tarroza na "inakala" lamang yang siyang gustong mangyari ng Viva. It was presumed na iyon ang gustong ipagawa sa kanya ng kanyang mga amo. Ginawa niya iyon nang walang pahintulot mula kanino man.
At sabihin man nila na hindi naman nakarating yon doon sa kanilang sinulatan, yong katunayan na ang sinulatan nila ay kakilala nila, at ang letter head na ginamit ay mula sa kumpanyang pag-aari ng presidential adviser on Cinema and Entertainment, aba eh mabigat nga iyon at masasabi mong siyang dahilan ng deportation.
Ang isa pang dapat na linawin diyan ay ang katotohanang ang kanilang mga pasaporte ay hindi tinatakan ng Immigration sa Japan na sila ay "for deportation" matapos na tumanggi silang pumirma sa isang dokumento na kung saan inaamin nilang hindi sila karapat-dapat na pumasok sa Japan. Mukhang may nangyaring hao-siao, dahil ang dapat ay tinatakan ng immigration officials na humuli at nag-imbestiga sa kanila ang kanilang pasaporte, at dapat sana ay ipinagharap sila ng kaukulang kaso sa korte para maging legal din ang pagkaka-deport sa kanila. Dahil hindi nangyari iyan, papaano mong hindi iisipin na hao-siao iyan? Hindi kaya may Yakuza connection din?
Hindi natin maikakaila na marami nang kuwento ng mga Pilipino na napa-deport dahil may nakabangga silang Yakuza sa Japan. Hindi rin naman maikakaila na may mga Pilipinong napatay na ang sindikatong yan sa Japan.
Noong maintindihan namin nang husto ang buong pangyayari, naisip namin na hindi pala ang bugbugan o tutukan ng baril ang main issue sa usapang iyan, kung di ang mga naging dahilan kung papaanong nagkaroon ng deportation at nagbigay ng kahihiyan sa mga artistang Pilipino ang mga pangyayaring yan.
Hindi dapat na pinag-uusapan lang yan sa mga tv talk shows. Dapat pag-usapan iyan sa isang legal forum. Una, sino ang responsible sa deportation? Ikalawa, iyan bang sina Joed Serrano at Robby Tarroza na nagsasabing walong taon na silang nagpapadala ng talents sa Japan ay mga legal na promoter at show producers? Mayroon ba silang legal na kumpanyang gumagawa noon? Nagbabayad ba sila ng kaukulang taxes para sa kinita nila sa loob ng buong panahon na nagpapadala sila ng mga artista sa Japan?
May accreditation ba sila mula sa OWWA? Tutal lumabas na rin lang iyan trabaho nilang eh, mas mabuting tingnan kung legal nga rin ba ang kanilang ginagawa, at saka lang masasabi kung legal, hindi ang pagpigil nila sa ibang bansa.