Kapamilya pa rin si Desiree!

Gumagawa na ng pelikula sa Viva Films si Desiree del Valle. Ang una niyang pelikula rito na pinamagatang Tuli ay kasalukuyan pa ring pinag-uusapan, di lamang sa magandang pagkakagawa dito ng direktor na si Auraeus Solito na naging dahilan para hirangin itong Best Picture sa ginanap na CineManila Film Festival kundi maging ang maselang pagganap ng tatlong kabataang gumanap ng lead roles, sina Desiree del Valle, Vanna Garcia at Carlo Aquino.

Mainit ang mga eksena ng pag-ibig nina Desiree at Carlo, na nilagyan ng pumping scene, pero mas pinag-usapan ang eksena nilang magkasama ni Vanna. Eksena ng halikan.

"Okay lang yung kay Vanna, smack lang. Yun din kay Carlo dahil I was fully clothed. At saka yung pumping was just implied, puro facial expressions lang ang ni-require sa amin," ani Des.

Sa kabila ng pagpapalit niya ng management, from Star Magic to Viva , patuloy pa rin ang pagtanggap niya ng project sa Kapamilya Network. Like she’s still with Kampanerang Kuba. "I’m not really leaving ABS, I’m just not being managed by them anymore," paliwanag niya.
* * *
Maswerte si Jaycee Parker dahil hindi naging ilusyon lamang ang Digital Film niya sa Viva na pinamagatang Ilusyon. Katunayan, magkakaro’n ito ng special run starting Nov. 9 sa mga sinehan, marahil para mabigyan ng pagkakataon ang maraming hindi nakapanood nito sa paniniwalang hindi ito karapat-dapat pag-aksayahan ng oras.

Lahat ng nakapanood nito, kasama na yung mga critics ay pawang papuri ang ipinagkakaloob sa pelikula. Kaya kung hindi n’yo pa napapanood ito, binibigyan kayo ng Viva na saksihan ang isa nilang magandang pelikula at ang pagsilang ng isang bagong aktres.
* * *
Si Gary Valenciano ang kumakanta ng bagong station ID ng ABS CBN na pinamagatang "Lipad ng Pangarap", runner-up sa 2001 Himig Handog Para sa Bayaning Pilipino. Tungkol sa mga pagpapakasakit ng mga itinuturing nating mga bayani, ang ating mga overseas Filipino. Nilagyan ng musika ni Gerald Salonga at napapakinggan sa buong mundo. Sa pamamagitan ng TFC, mapapanood din ang iba’t ibang bersyon nito sa maraming panig ang mundo. Kasama ito sa album ni Gary V na "Pure Heart".
* * *
Ngayong araw ang simula ng series of concert ni Regine Velasquez sa Aliw theater na pinamagatang Reflections. Mapapanood din ito bukas Nob. 5 at Nob.11, 12, 18, 19, Disyembre 9 at 10.

Ang concert ay isang tribute ni Regine sa kanyang mga singing idols (Barbra Streisand, Sheena Easton, Angela Bofill, Sharon Cuneta, Kuh Ledesma, Whitney Houston at Mariah Carey). Regine will interpret songs that mean so much to her personal and professional life.

Si Regine din ang direktor ng kanyang concert na magtatampok din kina Aiai delas Alas, Kim Flores, Jonalyn Viray, Wyeth Gifted Kids, saxophonist Jacob Sarreal, violinists Joseph Valdez, Paulina at classical cellist Pocholo Gutierrez. Direksyon ni Raul Mitra.

Show comments