Parang nagpo-promote ng cancer

Isang bagay ang nakita natin sa isang festival ng mga pelikula na idinaos sa Maynila, hindi pa talaga tanggap ng publiko ang tinatawag na mga digital films.

‘Yang mga digital films ang iniisip ng mga producers na magandang alternatibo sa pelikulang Pilipino. Kasi nga ang ginagamit diyan ay video, na nabubura at nagagamit ulit. Hindi kagaya ng pelikula na magastos at dahil imported nga ay napakataas na ng tax at ng presyo dahil bagsak ang ating piso.

Ikalawang dahilan, mura ang bayad sa mga artistang lumalabas sa mga digital movies, kasi sinasabi nga ng mga producer digital lang naman ‘yan. ‘Yan ang kapalit ng nauso noong pitu-pito. Mas matipid pa iyan, dahil sa halagang mahigit na isang milyon lang ay nabubuo na nila ang isang digital movie. Pero ang problema, lahat halos ng mga ginagawa nilang digital movie ay sex ang tema, ang mga nauna pa ay puro kabaklaan. Dahil doon, walang masyadong nakukuhang suporta mula sa publiko ang mga tinipid na produksyong pelikula.

Papaano lalaban ‘yang mga digital producers na masyadong nagtitipid at naniningil naman sa sinehan, laban sa telebisyon na mas maganda, ginagastusan ang produksiyon, malalaki ang artista at libre pa? Palagay namin, maliban na lang kung ‘yang mga digital producers na ‘yan ay makikipagsabayan nang palakihan ng produksiyon sa mga tv series at saka lamang sila mapapansin. Ang magiging advantage lang nila kahit may bayad sa sinehan ay tapos ang kanilang istorya, hindi kagaya sa tv na tumatagal nang ilang buwan bago mo matapos ang kwento. Ang isa pa sigurong come on, dahil napakaliit naman ng puhunan sa mga digital movies, dapat maliit din ang admission prices sa mga sinehang naglalabas ng digital movies na iyan. Kung hindi, para namang nabobola ang mga manonood na nagbabayad ng napakamahal na admission prices eh maliit lang naman ang gastos sa mga digital films.

Kung hindi nila gagawin iyan, nakita naman ninyo, naglabas sila ng ilang digital films sa Maynila, natapos at natapos sila nang hindi napapansin.
* * *
Parang may tv promo ng cancer si Vida Verde at ang kanyang anak na pumasok daw hosto sa isang gay bar para matulungan siyang magpagamot. Aba eh nasa iba’tibang tv show siya sa iba’t-ibang channels eh. Kung istorya lang iyan, siguro lalabas sa isang show, pero iyong ikutin mo ang lahat ng show, teka lang baka kung ano na iyan. Ang isa pang punto, nagkokopyahan na lang ng kuwento ang mga showbiz talk shows sa tv. Kung pare-pareho lang sila ng kuwento, bakit panonoorin mo pa sila?
* * *
Gusto nga pala naming ipaalala sa mga deboto ni Padre Pio, sa Linggo, Oktubre 23 ay may naka-schedule nadalawang healing mass sa Parokya ni Padre Pio sa Barrio San Pedro. Sto. Tomas, Batangas. Isa sa alas-9 ng umaga at isa naman sa alas-6 ng hapon. Isama n’yo roon ang inyong mga kaanak na may sakit, dahil ano ang malay ninyo baka sila rin ay pagalingin ng Diyos sa tulong ni Padre Pio, kagaya ng maraming mga debotong nagpupunta sa simbahang iyon.

Marami na kaming nakitang gumaling doon. Karamihan ay gumaling din sa maraming sakit sa simbahang iyon. Walang mawawala kung susubukan ninyo.

Show comments